Benefits ng health workers, panis na
- BULGAR
- Nov 17, 2022
- 1 min read
@Editorial | November 17, 2022
Naglabasan na ang lahat pero ang allowance para sa mga health workers na buwis-buhay sa kasagsagan ng COVID-19, wala pa rin.
Ayon sa Department of Health (DoH), umaasa silang pagbibigyan ng Department of Budget and Management (DBM) ang kanilang hirit na P27 bilyon para sa nasabing allowance.
Sa ngayon, tuluy-tuloy daw ang kanilang komunikasyon sa DBM para sa hiling na dagdag-pondo.
Nakapaglabas na raw sila ng P19.4 bilyon na galing sa General Appropriation Act (GAA) at Special Allotment Release Orders (SAROs).
Hinihintay pa rin naman daw ng DOH ang tugon ng DBM sa kanilang hirit at issuance para maipamahagi na ito sa mga healthcare workers.
Ano pa kaya ang hinihintay, Pasko? Kung puwede namang ibigay na ngayon, gawin na. Kung tutuusin, panis na 'yan. Matagal na sana 'yang nagamit ng mga health workers.
Matatandaang, pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act (RA) No. 11712 na kilala ring “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Healthcare Workers Act,” na nagmamandato sa patuloy na pagbibigay ng benepisyo sa lahat ng mga healthcare workers sa bansa.
Iba na ang presidente, nganga pa rin?
Grabe na ang pinagdaanang hirap ng mga doktor, nurse at iba pang manggagawa sa pangkalusugan, huwag na sanang pahirapan pa.
Hihintayin pa ba nating mag-alisan sila at mapilitang mag-abroad?



Comments