Bebot na may chance pang makapag-asawa kahit hindi maganda ang past
- BULGAR

- Mar 8, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| March 8, 2021

KATANUNGAN
Sa edad kong 26, marami na akong naging boyfriend at marami na ring nakaraan. Nakapagtrabaho rin ako noon sa isang club, kaya naman hindi ko na alam ngayon kung makapag-aasawa pa ako ng matinong lalaki, lalo na kapag nalaman niya ang aking nakaraan.
Marami na rin akong naka-live in, pero hindi nagtatagal ang mga relasyon na napasukan ko dahil ‘yung iba ay may asawa na.
Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, ito ang nais kong itanong sa inyo, Maestro, makapag-aasawa pa ba ako ng matino at disenteng lalaki na mamahalin ako habambuhay sa kabila ng aking nakaraan?
KASAGUTAN
Sabi nga ng isang makata, “Tayo’y nasa tanghalan ng buhay, na tinatawag na mundo. Pagbaba ng tabing, hindi sa kung anong role o papel tayo huhusgahan, kundi kung paano natin isinabuhay at ginampanan ang papel na sa ati’y ibinigay.”
Kaya kung ikaw ay babaeng dating mababa ang lipad o halimbawa ay babae na nagbebenta ng aliw, wala tayong magagawa dahil baka ‘yun nga ang ibinigay sa iyong papel ng tadhana sa mundong ito nang ikaw ay isinilang.
Samantala, ‘wag ka nang maguluhan dahil kahit marami kang naging karanasan sa iba’t ibang uri ng lalaki, makapag-aasawa ka pa rin at magiging maligaya. Ito ang nais sabihin ng ikaapat na malinaw at mas mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 4-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na sa ikaapat na pag-ibig at pakikipagrelasyon, puwede ring pakikipag-live in, basta ‘wag mong kaaawaan nang labis ang iyong sarili, tulad ng nasabi na, muli kang magkaka-boyfriend, makapag-aasawa at magkakaroon ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.
Ito ay madali namang kinumpirma ng maayos at hindi naman gaanong nababoy na gitna hanggang dulong bahagi ng iyong lagda. Tanda na bagama’t nababoy at maraming bilog ang unahang bahagi ng iyong pirma, tiyak ang magaganap sa takdang panahong inilaan ng kapalaran— makatatagpo ka ng lalaking pakikisamahan at mamahalin ka at ituturing na mabuti at okey sa alright na asawa habambuhay.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Criselda, kalimutan mo na ang mga nagdaang relasyon na sumira sa iyong pagkatao dahil sa pagdating ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Taurus, mabubuo kang muli, magmamahal, magkaka-boyfriend, makapag-aasawa at magkakaroon ng maligaya at panghabambuhay na pamilya, na nakatakdang mangyari at maganap sa susunod na taong 2022, sa edad mong 27 pataas.




Comments