top of page
Search
  • BULGAR

Bebot na feeling malas dahil laging bigo sa work, magkakatrabaho ngayong 2022

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| May 14, 2022


Dear Maestro,


Bakit mula nang isinilang ako ay puro kabiguan ang naranasan ko sa aming probinsya sa Davao? Hanggang sa napadapad ako rito sa Luzon at pinagsamantalahan pa ako ng tiyuhin ko. Nang magtrabaho naman ako bilang katulong, ganundin ang ginawa sa akin ng amo ko, hanggang sa lumayas ako at nakitira sa isang kaibigan.


Sa ngayon, hiyang-hiya na ako sa mga magulang ng kaibigan ko dahil mahirap lang din sila. At kahit hanap ako nang hanap ng trabaho, hindi naman ako natatanggap, kaya ang dami ko nang utang sa nanay ng kaibigan ko. Wala rin akong boyfriend o kamag-anak na maaaring mahingan ng tulong. Minsan tuloy, naiisip ko nang tapusin ang buhay ko, tutal pakiramdam ko ay wala na rin itong silbi.


Sa palagay mo, Maestro, may pag-asa pa ba akong makaahon sa mga kamalasang ito o talagang isa na lang ang solusyon at ito ay ang tapusin ko na ang buhay ko para matapos na rin ang aking mga problema? March 4, 1995 ang birthday ko.


Umaasa,

Sol ng Lawa, Meycauayan, Bulacan

Dear Sol,


Pansinin mo ang mga halaman at punong-kahoy, hindi ba’t may silbi at halaga rin sila? Ang mga bungang kahoy o prutas ay maaaring kainin, habang ang mga dahon ay puwedeng gulayin at ang mga ugat ay maaaring panlunas sa iba’t ibang sakit o karamdaman. Ibig sabihin, may silbi silang lahat.


Ganu’n ka rin naman, Sol, at kung tutuusin, higit kang mahalaga at may silbi sa mga punong-kahoy at halaman, pero hindi mo lang nare-realize ngayon ang tunay mong halaga dahil tangan ka ng kalungkutan at pagkaaawa sa sarili. Kaya hindi mo dapat sayangin ang napakahalagang buhay dahil lamang sa kabiguang makahanap ng trabaho.


Samantala, kung hindi naman sloping ang Head Line mo at hindi sobrang haba sa kaliwa at kanang palad na minsang natalakay na natin sa Palmistry, kahit subukan o tangkain mong wakasan na ang iyong buhay, hindi ka pa rin magtatagumpay. Sa halip, mao-ospital ka lang, pero muling mabubuhay, kaya ang ending, lalo mo lang dinagdagan ang problema mo at binigyan mo pa ng alalahanin ang mga taong nag-aaruga at nagmamahal sa iyo.


Gayunman, hindi mo na dapat pang isipin ang pagpapakamatay at pagkitil sa sarili mong buhay. Dahil ayon sa birthday mong March 4, 1995, sa tulong ng pamilya na kasalukuyan mong tinitirahan, sa susunod na buwan ng Hunyo o Hulyo, makakapagtrabaho ka sa isang bagong bukas na factory, kung saan du’n ka na rin magiging regular at makaka-boyfriend, hanggang sa dumating ang pagkakataon na tuloy-tuloy nang gumanda ang iyong kapalaran.


Sa panahong nabanggit o sa edad mong 27 pataas, magkakaroon na ng silbi at halaga ang iyong buhay hanggang sa tuloy-tuloy ka nang lumigaya at magtagumpay, hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Capricorn.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page