Bebot na dapat mag-move on sa ex na nang-ghost dahil iba ang nakatakdang makatuluyan

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| November 29, 2020

KATANUNGAN
May naging boyfriend ako, kaya lang, naghiwalay din kami dahil nang sinagot ko siya, niyaya niya akong manood ng sine at sumama naman ako. May nangyari sa amin at muntik niyang makuha ang aking pagkababae, pero dahil tumanggi ako, hanggang kiss at sensual act lang ang nangyari. Pagkatapos ng pangyayaring ‘yun, dumalaw siya sa bahay at ang sabi niya ay mamamanhikan na raw sila kung gusto ko, pero hindi ako pumayag dahil hindi pa ako handang mag-asawa.
Mula noon, hindi na siya nagpakita, bakit kaya siya nagkaganu’n? Sa palagay n’yo, mahal ba talaga ako ng lalaking ito o pinaglalaruan niya lang ako?
Ang totoo, mahal na mahal ko siya, kaya lang, wala na akong magagawa kung ayaw na niya sa akin. Bakit siya nagbago at biglang nawala?
Sa palagay n’yo, Maestro, magkakabalikan pa ba kami o mas mainam na mag-move on na ako at tumanggap ng bagong mga manliligaw at kalimutan ko na siya kahit mahirap gawin?
KASAGUTAN
Kapansin-pansing dalawa ang malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M at 2-M arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad kung saan may isang maikli (arrow a.) at isang mahaba (arrow b.).
Tanda na ang maikling Marriage Line (1-M arrow a.) ay sadyang inilaan para sa pakikipag-boyfriend, ngunit ang mas mahabang Marriage Line (2-M arrow b.) ay siya namang maituturing na relasyong pangmatagalan at panghabambuhay.
Sa kaso mo, Kim, kung bigla na lang naglaho ang first boyfriend mo, tiyak na tuluyan kayong maghihiwalay at magkakalayo. Pagkatapos nito, sa ikalawang pakikipag-boyfriend at sa susunod pang mga pihit ng panahon, ang ikalawang boyfriend mong ito na darating pa lamang ang nakatakda mong mapangasawa at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, kung hindi naman umabot ng isang taon at mahigit pa ang relasyon n’yo ng ex mo, tunay ngang hindi siya ang nakaguhit sa iyong palad at ito ang Marriage Line (arrow a.) na binanggit na sa itaas.
Dahil hindi naman talaga siya ang nakaguhit sa iyong palad, may darating pang ikalawang lalaki sa buhay mo na magiging boyfriend mo rin at mas magiging maligaya at mas matamis ang pagsasaluhan n’yong relasyon.
Tulad ng nasabi na, ang ikalawang boyfriend mong ito ang iyong makakatuluyan at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya, na nakatakdang mangyari at maganap sa susunod na taong 2021 sa edad mong 24 pataas.




Comments