ni Lolet Abania | July 20, 2022
Aarestuhin ang mga protester na mananakit ng mga awtoridad na nagpapatupad ng seguridad at kaayusan para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 25, ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Miyerkules.
Sa isang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ang mga bayolenteng protesters ay dadalhin sa isang bus mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
“We will implement appropriate police response kung magkakaroon po ng sakitan, definitely po ay hindi po maiiwasan na magkaroon ng arrest d’yan at may mga naka-standby po tayo na mga bus ng BJMP na kung saan pupwede po nating dalhin doon kung saka-sakaling may maaresto,” pahayag ni Fajardo.
Ayon din kay Fajardo, ang mga protester ay dini-discourage rin na magsunog ng effigy sa kanilang gagawing mga rally.
Sinabi naman ni PNP director for operations Police Major General Valeriano de Leon na maaaring gamitin ng mga raliyista ang Quezon Memorial Circle, ang compound ng Commission on Human Rights (CHR), at ang UP Diliman campus.
Apela ni De Leon sa mga protest organizers na limitahan ang kanilang mga aktibidad upang maiwasan na magkaroon ng problema sa trapiko sa lugar at mapigilan din ang anumang hindi nararapat na komprontasyon sa mga pulis.
“If they go out of the freedom parks and it will disturb traffic and peace and order, then we will disperse them at all cost,” saad ni De Leon.
Ayon pa kay De Leon, ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ay naghain na ng kanilang request sa Quezon City government para magsagawa ng protest action sa Commonwealth Avenue.
Gayunman, bineberipika pa ng pulisya sa city government kung ang request ng grupo ay naaprubahan.
Una nang sinabi ng PNP na ang Commonwealth Avenue ay idedeklara bilang “no rally zone” sa araw ng SONA ni Pangulong Marcos, na gaganapin sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Comments