Bawat estudyante, may “K” sa normal at ligtas na pag-aaral
- BULGAR

- Jul 1, 2025
- 1 min read
by Info @Editorial | July 1, 2025

Isang nakababahalang tagpo ang naitala kamakailan kung saan na-hulicam ang ilang estudyanteng piniling tawirin ang rumaragasang ilog habang nakataas ang kanilang kamay upang hindi mabasa ang kanilang bag. Ang eksenang ito, na tila ordinaryo na lang sa mga taga-roon, ay malinaw na salamin ng matinding kakulangan sa imprastrukturang dapat sana’y nagtataguyod sa edukasyon at kaligtasan ng mga kabataan.
Hindi dapat maging normal ang ganitong uri ng panganib. Hindi dapat maging bahagi ng araw-araw na buhay ng isang bata ang paglulusong sa lebel-leeg na ilog, lalo’t ang layunin lamang nila ay makapag-aral at makauwi nang ligtas.
Nakalulungkot na ang ilang estudyante ay napipilitang isugal ang kanilang buhay dahil sa kawalan ng isang simpleng tulay.
Ang mga otoridad tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at lokal na pamahalaan ay kailangang kumilos, hindi lang sa paggawa ng ulat kundi sa konkretong aksyon.
Ang edukasyon ay karapatan ng bawat bata, ngunit paano ito maisasakatuparan kung ang mismong daan patungo rito ay puno ng panganib?
Sa halip na ipagkibit-balikat ang pangyayaring ito, gamitin sana natin ito bilang panawagan para sa tunay na pagbabago at pagkilos — hindi bukas, kundi ngayon.






Comments