top of page

Basura, dagdag-problema tuwing bagyo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 24, 2025
  • 1 min read

by Info @Editorial | July 24, 2025



Editorial


Hindi na bago sa atin ang baha kapag may bagyo. Pero sa tuwing may dumadaan na sama ng panahon tulad ng Bagyong Crising na pinalakas pa ng Habagat, mas ramdam natin ang bigat ng problema — hindi lang dahil sa ulan, kundi dahil sa basura.


Saan ka man tumingin, lalo na sa mga urban area, makikita mong palutang-lutang ang basura sa baha: plastic, styrofoam, bote, at kung anu-ano pa. Imbes na mabilis humupa ang tubig-ulan, bumabagal ang agos dahil barado ang mga kanal. At kapag bumagal ang daloy ng tubig, tiyak ang pagbaha — minsan hanggang tuhod, hanggang baywang, o lampas-tao pa.


Ang masakit dito, tayo rin naman ang may gawa. Matagal nang sinasabi na ang maling pagtatapon ng basura ang isa sa mga dahilan kung bakit grabe ang pagbaha sa mga lungsod. Pero tila walang gustong makinig. 


Hanggang ngayon, marami pa rin ang nagtatapon ng basura sa estero, sa ilog, sa kalye — tapos magrereklamo kapag lumubog sa baha ang kanilang lugar.


Hindi natin makokontrol ang bagyo. Pero kaya nating iwasan ang mas matinding pinsala kung paiiralin ang disiplina. 


Hindi na kailangan ng mamahaling solusyon para rito — simpleng pagtapon ng basura sa tamang lugar at pakikilahok sa paglilinis sa komunidad, malaking tulong na.


Oo, may responsibilidad ang gobyerno sa waste management. Pero hindi ito sagot kung tayo mismo’y patuloy na walang pakialam. Tayo ang unang dapat kumilos.


Panahon na para maging seryoso sa isyu ng basura. Hindi lang ito tungkol sa kalinisan. Ito ay para sa kaligtasan. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page