top of page
Search
BULGAR

Barangay official na walang ‘K’, out agad!

by Info @Editorial | Nov. 7, 2024



Editorial

Barangay ang pinakamaliit ngunit pinakamahalagang yunit ng pamahalaan sa ating bansa. 


Ang mga barangay official ang katuwang ng mga mamamayan sa paglutas ng mga pang-araw-araw na problema at sa pagpapalaganap ng mga serbisyong pangkomunidad. 

At hanggang sa ngayon ay patuloy ang panawagan at panukala na gawing mas mahaba ang termino ng mga barangay official mula sa kasalukuyang tatlong taon patungong anim na taon.


Ang panukalang ito ay isang hakbang na naglalayong magbigay ng mas mahabang panahon para sa mga opisyal upang magpatuloy sa kanilang mga proyekto at programang nakatutulong sa pagpapabuti ng kanilang komunidad. 


Maaari itong magdulot ng mas matatag na pamamahala, mas malawak na programa, at mas maayos na transisyon ng mga proyekto sa susunod na panunungkulan.


Magkaroon ng sapat na oras ang mga opisyal para maipatupad ang mga long-term solution sa mga problema ng barangay.


Gayunman, hindi maitatanggi na may mga panganib din ang ganitong hakbang. Ang pagpapalawig ng termino ng mga opisyal ay maaaring magdulot ng ilang hamon, lalo na kung ang mga opisyal ay palpak at tiwali. Mainam sana kung ang opisyal na wala nang ‘K’ sa puwesto ay masisipa agad.


Bagama’t, ang pinakamahalaga sa ngayon, maikli o mahaba man ang panunungkulan, nawa’y maging tapat at totoo sa serbisyo.


Sa huli, ang hirit na anim na taong termino sa mga barangay official ay maaaring maghatid ng mga positibong pagbabago kung ito ay maisasakatuparan nang tama, ngunit may mga hamon din itong kaakibat na dapat paghandaan.



0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page