Search
  • BULGAR

Baon sa utang dahil lugi sa negosyo, makakabawi kung ‘di magiging gastadora

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| June 26, 2020




KATANUNGAN

  1. Nabaon kami sa utang simula nang nag-negosyo kami ng pautangan. ‘Yung agent namin na nagrerekomenda ng mga umuutang at siya ring naniningil ay hindi na nakabayad, kaya kami ang sinisingil ng financer namin at kapag hindi raw kami nagbayad ay idedemanda na kami.

  2. Noong una, malakas at nakakabayad ang mga tao, pero nang tumagal ay bihira na lang ang mga nagbabayad. Litung-lito na ako ngayon at hindi ko na alam ang gagawin ko, kaya gusto kong malaman kung may pag-asa pa akong makaahon sa mga pagkakautang? Madalas na kaming nagkakagalit ng mister ko at bakit daw ako pumasok sa ganitong prolema.

  3. Ano ang nakaguhit sa mga palad ko, makaka-recover ba kami at kung susubukan kong mag-apply sa abroad para matakasan ko ang mga problema kong ito, may Travel Line ba ako?

KASAGUTAN

  1. Walang malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kaya kung ngayon lang o sa panahong ito, wala pang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.

  2. Samantala, sadyang nahulog sa pagitan ng daliring hintuturo at hinlalato o daliring pangitna ang matayog at maganda sanang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, magiging maganda sana ang iyong mga hinawakang negosyo sa simula, pero dahil sa pagiging gastadora mo at walang habas sa paglalabas ng salaping iyong nahahawakan, bumagsak at nagkandalugi-lugi ang iyong negosyo.

  3. Buti na lang at may isa pang sumusulpot na Business Line (Drawing A. at B. B-B arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad, na nagsasabing pagkatapos ng mga pagkalugi at pagkabigo sa nakaraang negosyong iyong hinawakan, malaki pa ang pag-asa na muli kang maka-recover at makapagsimula ng panibagong pangangalakal na tulad ng iyong binabalak.

  4. Sa pagkakataong ito, may kaugnayan naman sa pagtitinda ng mga basic needs. Tunay ngang sa mga produktong tulad ng bigas, kape, asukal, sabon, mantika, at iba pang pang-araw-araw na ginagamit ng mga tao na hindi puwedeng mawala sa listahan ng mga bibilhin kapag mamamalengke, doon ka uunlad, aasenso hanggang sa tuluyang maka-recover ang iyong kabuhayan.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Elenita, sa 2021, kapag natapos na ang problema ng mundo sa COVID-19, sa tulong ng iyong asawa, unti-unti na rin kayong makakabayad sa inyong mga pagkakautang upang pagsapit ng 2022, makapagsisimula ka ng bagong buhay at negosyo na may kaugnayan sa grocery at sari-sari store.

  2. Sa pagkakataong ito, kapag natuto kang magtipid at hindi na bulaksak at magastos, tiyak ang magaganap—sa pagsisinop at pagtatabi ng kinikita sa araw-araw at muling pagpapaikot ng puhunan, doon magsisimula ang iyong pag-asenso hanggang sa umunlad na muli ang kabuhayan at tuluyan na ring yumaman na kinumpirma at agad na pinatunayan ng mala-straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow e.) sa kaliwa at kanan mong palad. Sa 2025 sa edad mong 54 pataas, magsisimulang umansenso nang husto ang inyong kabuhayan hanggang sa tuluyan na kayong yumaman.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.