News @Balitang Probinsiya | June 21, 2024
Quezon — Isang mister ang natagpuang patay ng kanyang misis kamakalawa sa labas ng kanilang bahay sa Brgy. Villa Aurin, San Narciso sa lalawigang ito.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jobert Quides, nasa hustong gulang at residente ng nabanggit na barangay.
Nabatid na mismong ang misis ni Quides ang nakatagpo sa kanyang bangkay sa labas ng kanilang bahay.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nabatid na may palatandaang pinatay ang biktima dahil may mga tama ito ng bala ng baril sa katawan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing krimen.
TOP 9 MOST WANTED, NASAKOTE
CAPIZ -- Isang top 9 most wanted criminal ang naaresto ng pulisya kamakalawa sa kanyang hideout sa Brgy. Banica, Roxas City sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ng pulisya ang suspek habang iniimbestigahan pa ito.
Ayon sa ulat, dinakip ng pulisya ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa lalawigan.
Nabatid na nakita ng mga operatiba ang suspek sa nasabing lugar kaya agad itong inaresto.
Hindi naman nanlaban ang suspek at ngayon ay nakapiit na sa detention cell ng himpilan ng pulisya.
GUNRUNNER, TIKLO SA BUY-BUST
AKLAN -- Isang gunrunner ang nadakip ng pulisya sa buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. Feliciano, Balete sa lalawigang ito.
Nakilala ang suspek na si Roberto Parijinog, nasa hustong gulang at nakatira sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat, nang malaman ng pulisya na nagbebenta ng baril si Parijinog ay agad nagsagawa ng buy-bust operation ang mga otoridad kaya nadakip ang suspek na nakumpiskahan ng isang baril at mga bala.
Hindi naman nanlaban ang suspek nang arestuhin siya ng mga otoridad.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunitions.
Comentarios