top of page

Balak na pagpapakasal ng ina sa young bf… Mga anak, tutol at handang itakwil ang ina

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 21, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 21, 2023


Dear Sister Isabel,


Biyuda na ako at mag-isa na lang ako sa bahay. May kani-kanya ng pamilya ang mga anak ko at may sarili na ring bahay.


Bagama’t 65-years-old na ako, mukha pa rin naman akong bata. Nangungulila at malungkot ako ngayon, kaya naisipan kong humanap ng kaibigan online, kung mauuwi man sa pakikipagka-ibigan ay puwede rin naman tutal biyuda naman na ako.


Madali akong nakahanap ng kaibigan, ang sabi niya sa akin ay 60-anyos na siya, pero nang magkita kami ay napakabata pa niya, 35-anyos lang pala, at pogi rin naman.


Tinanong ko siya, kung bakit siya nagkunwaring senior citizen, at diniretso ko siya na ayokong makipagkaibigan sa bagets, at wala akong balak makipaglaro.


Kung sasabihin niya raw ang tunay niyang edad tiyak na hindi ako makikipagkita sa kanya.


Ang hinahanap daw kasi niya ay ‘yung matured at may edad na gaya ko. ‘Yun daw ang gusto niyang makasama habambuhay, hanggang sa nasundan pa ang aming pagkikita.


Ginawa niya ang lahat para mapa-ibig ako, nakita ko naman ang pagiging sincere niya kaya tinanggap ko na rin siya bilang boyfriend ko.


Balak na sana namin magpakasal, pero tutol ang mga anak ko. Ayaw nilang maniwala sa pagmamahalan namin.


Nagbanta pa ang aking mga anak na ‘di na umano nila ko dadalawin kahit kailan kapag pumayag akong ikasal sa lalaking ‘yun, at itatakwil daw nila ako bilang kanilang ina.


Ano ang gagawin ko, Sister Isabel? Mahal na mahal ko ang boyfriend ko kahit na sabihin pang malayo ang agwat ng edad namin, mahal ko rin ang mga anak ko, kaya hindi ko matatanggap kung itatakwil nila ako bilang kanilang ina.


Sana ay mapayuhan n’yo ako sa kung ano ang dapat kong gawin.


Umaasa,

Linda ng Tanay, Rizal


Sa iyo, Linda,


Kung ano ang tinitibok ng puso mo, iyon ang sundin mo. Tutal nag-iisa ka na sa buhay at talagang kailangan mo nang isang magmamahal sa iyo.


Kung sa palagay mo ay mahal ka talaga ng boyfriend mo, ituloy n’yo pa rin ang inyong planong pagpapakasal.


Sa paglipas ng mga araw, nakita ng mga anak mo, tunay ka palang mahal ng lalaking pinakasalan mo, maiintindihan ka na rin nila at babalik ang pagmamahal at respeto nila sa iyo.


Pagdating sa pag-ibig, lahat ay pantay-pantay basta’t nagmamahalan ang dalawang tao. ‘Ika nga nila, age doesn’t matter.


Hangad ko ang kaligayahan mo sa piling ng iyong magiging asawa na makakasama mo habambuhay. Pagpalain nawa kayo ng Dakilang Kataas-taasan.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page