Balak na magtrabaho bilang tulong sa mister, matutupad; hiwalayan, ‘di magaganap

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| November 7, 2020

KATANUNGAN
Madalas kaming mag-away ng mister ko ngayon dahil sa kakapusan sa pang-araw-araw naming budget. Dati ay napagkakasya ko pa ang iniintrega niya, pero ngayon ay nawalan siya ng trabaho kaya madalas na kaming kinakapos. Kaya nais kong malaman kung maghihiwalay kami? Noong huling pag-aaway namin, nagkataasan kami ng boses at sabi niya, lalayasan niya kami ‘pag napuno siya.
Sa ngayon, magta-tatlong araw na siyang hindi umuuwi at pakiwari ko ay tinotoo na niya ang kanyang banta. Pero nang tinext ko siya, nag-reply siya at sabi niya, nasa bahay lang siya ng mga biyenan ko at nagpapalamig ng ulo. Gustuhin ko mang tulungan siya sa paghahanapbuhay, wala akong magawa dahil high school lang ang natapos ko.
Kapag natapos na ang COVID-19, balak kong mamasukan kahit tindera lang para may maidagdag sa pang-araw-araw naming gastusin sa bahay. Tama ba ang naisip ko na mamasukan at may pag-asa ba akong matanggap kahit tindera lang, gayundin, kahit medyo may edad na ako ngayon?
Gusto ko ring malaman kung sa kabila ng buhay naming ito, may pag-asa pa bang umunlad ang buhay ng aming pamilya?
KASAGUTAN
Tama ang iniisip mo, Cynthia, sa panahong ito ng pandemya, kung hindi mo tutulungan ang mister mo na madagdagan ang inyong income dahil kapos ang intrega ni mister, lagi nga kayong mag-aaway at ang pag-aawayan n’yo talaga ay pera.
Tunay ngang ang nakatutuwa ay may namataang malinaw na Effort Line (Drawing A. at B. E-E arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kung maghahanap-hanap ka ng kahit ano’ng trabaho o pandagdag income para sa inyong pamilya, puwedeng tindera o negosyo na may kaugnayan sa online selling, sigurado ang magaganap, bago mag-Pasko, makakatagpo ka ng isang okey na trabaho, na kahit medyo maliit ang suweldo, makatutulong naman ito nang malaki para sa panggastos at pang-araw-araw na pangangailangan ng inyong pamilya.
Kapansin-pansin din ang iisa, malinaw at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa panahong ito, kahit madalas kayong mag-away ni mister dahil sa pera, hindi ito magiging sapat na dahilan upang kayo ay maghiwalay. Sa halip, habang tumatagal, sa panahong ito ng pagsubok dahil sa pandemya, magiging daan pa ito upang ang inyong samahan at pagmamahalan ay lalo pang tumatag at tumibay. Ang pag-aanalisang wala namang susuko sa inyo, sa halip, lalo pa kayong magsisikap upang mapaunlad ang inyong kabuhayan ay madali namang kinumpirma ng lagda mong imbes na papaliit ay papalaki nang papalaki at papaangat pa ang mga letra sa dulong bahagi. Ibig sabihin, sa bandang huli, kapag maayos na ang lahat at tuluyan nang natalo ng mundo ang COVID-19, kung may susubok sa inyong mag-asawa na mangibang-bansa, kung hindi ikaw ang makapag-a-abroad, posibleng si mister ang makapangibang-bansa, na magiging daan upang mas bumuti at umunlad pa ang kalagayang pangmateryal ng inyong pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Cynthia, tama ang iyong binabalak. Simulan mo nang maghanap ng bagong source of income at hindi dapat nakaasa ka lang sa kakarampot na suweldo ng iyong mister.
Tunay ngang panahon na para magsikap ka rin at magsipag. Sa ganyang paraan, kapag natuto ka na ring gumawa ng mga bagay na may kaugnayan sa pagkakaperahan, hindi pa huli ang lahat. Kapag may sarili ka nang suweldo at pinagkakakitaan, sa susunod na taong 2021, unti-unti nang makakaahon sa kahirapan ang inyong pamilya, hanggang sa tuluy-tuloy nang umunlad at guminahawa ang inyong kabuhayan.




Comments