Balak bumukod kahit may edad na dahil ayaw kasama ang manugang
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | April 25, 2022
Dear Sister Isabel,
Kamakailan lamang ay napag-isip-isip ko na mahirap na nakikitira ka sa iyong mga anak na may pamilya, kahit pa sabihing iyo ang bahay na tinitirhan mo. May sarili akong bahay, biyuda na ako sa edad na 55-anyos at ngayon ay sa akin nakatira ang bunso kong anak kasama ang kanyang pamilya.
Napansin kong hindi maganda ang ugali ng aking manugang dahil walang respeto sa akin. Wala siyang pakisama at parang baligtad ang sitwasyon dahil ako pa ang dapat makisama sa kanya, sa halip na siya ang dapat makisama sa akin dahil parang ina na rin niya ako.
Ayaw ko namang sabihin sa anak ko ang hindi magandang pakikitungo sa akin ng asawa niya dahil ayaw kong magkatampuhan sila dahil sa akin.
Maghapong nagtatrabaho ang anak ko at kami ng manugang ko ang naiiwan sa bahay kasama ng mga bata. Hirap ang kalooban ko dahil walang kapayapaan at hindi masaya, kaya balak kong bumukod. Kaya ko namang umupa ng sarili kong bahay dahil may inaasahan naman akong pera kada buwan at kaya ko ring kumuha ng katulong.
Sa ganu’ng paraan, makakahinga ako nang maluwag at giginhawa na pakiramdam ko. Magiging payapa na ako dahil wala nang manugang na mangungunsumi sa akin. Tama ba ang iniisip ko, Sister Isabel?
Sana ay mapayuhan n’yo ako ng dapat kong gawin.
Nagpapasalamat,
Norma ng Taguig
Sa iyo, Norma,
Ganyan ang karaniwang nakikita ko ngayon kung saan bumubukod ang mga nanay o tatay sa anak nila na may sarili nang pamilya. Sadya namang mahirap makisama sa manugang at magulo rin, maingay kung maraming mga bata sa bahay na naglalaro, nag-aaway at iba pa. Wala talagang kapayapaan at pawang sama ng loob lang ang mararanasan kung ang manugang ay tulad ng manugang mo.
Makabubuting bumukod ka ng tirahan gaya ng sabi mo, pero dapat may alalay o kasambahay ka na hindi iba sa iyo para maalalayan ka sa araw-araw mong pamumuhay. Tutal naman ay may inaasahan kang pera kada buwan at kayang-kayang mo ang mga gastusin pati na ang upa sa bahay.
Sabihin mo nang maayos sa anak mo ang iyong plano at natitiyak ko na mauunawaan ka niya. Walang hangad ang mga anak kundi maging maligaya ang kanilang magulang sa nalalabi nilang mga araw sa mundo. Hindi ka pa naman gaanong may edad o lolang-lola kung maituturing at kayang-kaya mo pa ang iyong sarili. Humayo ka at sundin ang makakaluwag sa damdamin mo.
Patnubayan at pagpalain ka nawa ng Diyos Amang makapangyarihan sa bagong bahay na titirhan mo. Matagpuan mo nawa ang ganap na kapayapaan ng puso’t isipan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments