Bakit mas mababa ang pensiyon sa SSS kumpara sa GSIS?
- BULGAR

- Aug 9, 2020
- 3 min read
@Buti na lang may SSS | August 9, 2020
Magandang araw! Napansin ko na mas malaki ang tinatanggap na pensiyon ng mga retiradong government employee kumpara sa mga manggagawang nasa pribadong sektor. Nais ko lamang malaman kung ano ang pagkakaiba ng SSS at GSIS? Salamat. - Shawn
Sagot
Nais naming linawin na ang pensiyong tinatanggap ng isang pensiyunado sa SSS ay naaayon sa naihulog niya at sa haba ng paghuhulog niya sa SSS. Malaki ang pagkakaiba ng paghuhulog sa SSS kung ihahambing sa paghuhulog sa ng mga kawani ng pamahalaan sa GSIS.
Ang SSS ay idinisenyo ayon sa defined benefit scheme. Sa ilalim ng sistemang ito, ang SSS ay nagbibigay ng mga benepisyo tulad ng sickness at maternity benefit maging ang pensiyon na kinukuwenta batay sa kabuuang bilang ng naihulog na kontribusyon ng miyembro at ang haba o panahon ng kanyang paghihulog na tinatawag na credited years of service (CYS).
Samantala, napakahalaga ng kanyang monthly salary credit (MSC) o ang salary level kung saan ibinabase ang halaga ng buwanang kontribusyon ng miyembro dahil ang MSC ang basehan ng lahat ng komputasyon ng benepisyo at loan ng isang miyembro ng SSS.
Sa ilalim ng defined benefit scheme ng SSS, ang bawat manggagawa na nagiging miyembro ng SSS ay siguradong makatatanggap ng kaukulang benepisyo mula sa SSS. Sa kasalukuyan ay mayroong pitong uri ng benepisyo itong ibinibigay sanhi ng pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, pagpapalibing, pagkamatay at pagkawala ng trabaho o unemployment.
Makaiba ang contribution rate sa pagitan ng SSS at GSIS. Sa ngayon, ang contribution rate sa SSS ay 12% lamang samantalang, 21% ang contribution rate sa Government Service Insurance System (GSIS). Kung susuriin natin, halos dalawang beses ang laki ng contribution rate ng nasa pamahalaan kumpara sa mga nasa pribadong sektor. Ibig sabihin, halos doble ang inihuhulog ng mga kawani ng pamahalan kumpara sa inihuhulog ng mga nasa pribadong sektor. Sa Asya, isa ang SSS sa may pinakamababang sinisingil na contribution rate para sa pension fund nito.
Mahalaga din na ating suriin ang pinagbabatayan ng contribution rate o ang monthly salary credit (MSC). Lubhang mas mababa ang MSC sa SSS kaysa sa GSIS. Ang MSC sa SSS ay batay sa 2,000 hanggang sa maximum na 20,000 salary credit, samantalang ang MSC sa GSIS ay ibinabatay sa kabuuang suweldo ng manggagawa. Malaki ang kinalaman ng contribution rate at MSC sa pensyon na maaaring tatanggapin ng isang miyembro.
Halimbawa, ang isang manggagawa sa pribadong sektor ay kumikita ng P20, 000 kada buwan. Ang kanyang kontribusyon sa SSS kada ay P2, 400. Samantala, ang isang kawani ng pamahalaan na kumikita ng parehong halaga kada buwan ay naghuhulog sa GSIS ng P4, 200 bilang kanyang kontribusyon. Patunay lamang ito na mas malaki ang kontribusyon sa GSIS na sa hinaharap ay kaakibat na mas malaki ding pensyon ang matatanggap ng miyembro nito.
Bunga nito, mas malaki ang naihuhulog at naiipon ng mga naglilingkod sa pamahalaan para sa kanilang pagreretiro. Dapat nating isaisip na kung mas malaki ang iyong inimpok ay mas malaki rin ang balik nito sa ‘yo.
Kaya Shawn, upang magkaroon ka ng mas mataas na pensiyon, dapat mas malaki rin ang naihuhulog mo na kontribusyon para sa iyong pagreretiro. Dapat din tandaan na ang kontribusyon sa SSS ay isang paraan ng pag-iimpok at hindi dagdag-gastusin dahil babalik din ito sa ‘yo bilang pensiyon sa panahon ng iyong pagreretiro.
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa aming Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa aming YouTube channel sa “Philippine Social Security System.”
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.



Comments