Bagong pirma at hairstyle, kailangan ng single mom para suwertehin sa career at kabuhayan

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| March 4, 2021
Dear Maestro,
Ako ay single mom na walang trabaho at umaasa lang sa bigay ng mga magulang ko. Iniwan ako ng boyfriend ko matapos niyang malaman na buntis ako. Hiyang-hiya na ako sa mga magulang ko dahil panganay ako, pero umaasa pa rin ako sa kanila.
Gusto kong magbago ang kapalaran ko kaya ako sumulat sa inyo. Makapag-aasawa at makapagta-trabaho ba ako? Gayundin, kailan gaganda ang magulong kapalaran ko? August 4, 1994 ang birthday ko.
Umaasa,
Ms. Leo ng San Cristobal, Licab, Nueva Ecija
Dear Ms. Leo,
Malamang na pinangingibabawan ngayon ang kapalaran mo ng negatibong impluwensiya ng planetang Uranus na kumakatawan sa birth date mong 4 at Saturno, na kumakatawan sa destiny number mong otso (8) (8+4+1994=2006/ 20+06=26/ 2+6-8). Sa sandaling tumanglaw sa birth chart ng indibidwal ang Uranus-Saturn cycle, kahit anong pagpipilit ng tao na kumawala sa madilim na impluwensiya ng nasabing planeta, malabo siyang makahulagpos sa magulong kapalaran.
Ang Uranus-Saturn cycle ang nagdudulot sa indibidwal ng mabibigat na problemang hindi niya inaasahan, gayundin, nagtataka pa siya kung bakit tila hindi matapus-tapos ang kanyang problema na kung tutuusin ay halos hindi naman siya ang may kagagawan, bagkus, dumarating ito nang hindi niya inaasahan.
Kumbaga, sadyang nangyayari sa taong naiimpluwensiyahan ng Uranus-Saturn cycle ang mga negatibong sitwasyon at hindi paborableng mga pangyayari dahil pagkatapos ng lahat ng ito, malaking premyo at tagumpay ang nakalaan sa kanya. Makakamit lamang niya ang premyong ito na may dalang kakaibang magandang kapalaran kung mapagtitiisan at malalabanan niya ang naunang mga problemang nabanggit.
Samantala, ganito naman ang dapat mong gawin upang habang dinadaluyong ka ng siklo ng negatibong impluwensiya ng Uranus-Saturn ay mapanatili mo pa ring maganda ang iyong kapalaran sa araw-araw:
Una, umpisahan mo nang tanggapin na hindi na talaga babalik ang ama ng iyong anak. Sa halip, ituring mong saradong pangyayari sa nakaraan ang ginawa niyang pag-iwan sa iyo nang sa gayun ay makapagsimula ka ng bagong buhay.
Kasabay ng bagong buhay, baguhin mo rin ang iyong lagda upang ito ay hindi na mag-anyong nababoy o naburara. Magagawa mo ito kung hindi mo ibabalik sa direksiyong pakaliwa ang huling stroke ng letrang “r” na tila bumaboy sa iyong buong pirma.
Sa halip, ang dapat mong gawin ay tapusin ang iyong lagda sa mala-straight line na lilikhain nang pa-istraight line na pinaka-paa ng letrang “r” sa dulong bahagi ng iyong pirma.
Kapag nagawa mo na ang napakagandang bagong lagda na iminumungkahi sa itaas, kusa na ring magkakaroon ng malawakan at malalaking pagbabago ang iyong karanasan at unti-unti nang mababawasan ang impluwensiya ng Uranus-Saturn cycle sa iyong kapalaran.
Pangalawa, pagkatapos mong baguhin ang iyong lagda, ipaputol mo na rin ang mahaba mong buhok. Hindi maganda ang mahabang buhok kung nais mong magkaroon ng regular at magandang trabaho. Kailangang umasta kang “working mom” sa pamamagitan ng maikling buhok na hanggang leeg o batok lang. Sa bagong istilo ng mala-square style na buhok, unti-unti na ring magbabago ang iyong kapalaran.
Pangatlo, lagi kang gumamit ng buwenas na kulay na berde at dilaw sapagkat ang mga kulay na ito ang hahatak ng dagdag na pagkakataon upang magkapera ka at magkaroon ng mga bagong oportunidad ng pagkakakitaan. Darating ang araw na mahahatak din ng kulay na berde at dilaw ang masaya at panghabambuhay na relasyon.
Pang-apat, mapalad ka sa mga araw ng Lunes, Sabado at Linggo, higit lalo sa mga petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 5, 14, 23, 1, 10, 19 at 28. Kusa namang iigting ang mabuting kapalaran sa lahat ng aspeto ng buhay mula sa ika-16 ng Hulyo hanggang ika-25 ng Setyembre, mula sa ika-16 ng Nobyembre hanggang sa ika-25 ng Disyembre at mula sa ika-16 ng Marso hanggang sa ika-28 ng Abril.
Pang-lima, mainam namang palamuti sa katawan bilang pantaboy ng kamalasan at panghigop ng suwerte ang batong sardonyx na ipalalamuti sa gintong singsing.
Ayon sa Decadens ng Kapalaran, kapag sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyong nabanggit, sa 2022 sa edad mong 28 pataas, magkakaroon ka na ng regular at magandang trabaho at kasabay nito, matatalisod mo na rin ang mas matino at okey na love life na hatid ng lalaking isinilang sa buwan ng Abril o Marso.




Comments