Bagong istayl ng lockdown, maging epektib sana kontra-COVID-19
- BULGAR
- Sep 15, 2021
- 1 min read
@Editorial | September 15, 2021
Simula bukas, Setyembre 16, naka-Alert Level 4 sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang buong National Capital Region (NCR).
Malaki umano ang pagkakaiba ng alert level system sa ipinatupad na dating community quarantine dahil patuloy pa rin na mag-o-operate ang economic activities o bukas ang mga business establishment sa mga lugar na hindi nasasakupan ng granular lockdown.
Kaugnay nito, tiniyak din ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na walang mangyayaring gulatan sa implementasyon ng granular lockdown dahil natukoy na ng mga LGUs ang mga lugar na isasailalim sa partikular na restrictions.
Una nang ipinaliwanag na sa ilalim ng granular lockdown, isang bahagi lamang sa isang siyudad, partikular sa mga barangay ang hihigpitan o isasara.
Ang Alert Level 4 naman ay katumbas ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) bagama’t ang focus dito ay ang close crowd contact.
Binigyang-diin na ang mga LGUs ang magdedesisyon sa pagpapatupad ng granular lockdown at ang tanging papayagan lamang na lumabas at pumasok sa nasabing lugar ay mga health workers.
Ang mga residente naman na nasa labas at naabutan sa implementasyon ng granular lockdown ay papayagan pa ring umuwi pero hindi na sila makakalabas pa ng bahay hanggang sa matapos ang dalawang linggong restrictions.
Umaasa tayong magiging epektib ang sistemang ito laban sa lumalalang COVID-19. Nakikiusap din tayo sa mga pasaway, lalo na sa mga maisasailalim sa granular lockdown, huwag na pong pasaway. Tapusin na natin ang labang ito.



Comments