Backlog sa lisensya at plaka, problema pa rin, galaw-galaw!
- BULGAR
- Feb 22, 2024
- 1 min read
@Editorial | Pebrero 22, 2024
Hanggang ngayon, problema pa rin ang kakulangan sa lisensya at plaka.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), paubos na naman ang plastic cards para sa driver’s license, kung saan ang kasalukuyang backlog ay mahigit 3 milyon.
Mayroon lamang umanong 137,945 natitirang plastic cards ang LTO at inaasahang magagamit sa loob ng halos dalawang linggo. Ibig sabihin, balik na naman sa papel ang lisensya.
Sakit sa ulo ang problemang ito lalo na sa mga overseas Filipino worker na ang trabaho abroad ay magmaneho.
Kahit pa sabihing priority ang mga OFW sa plastic card na lisensya, kung mahigit 100K na lang ang available, paano ang iba pa?
Sa ngayon, isa umano sa naiisip na solusyon sa backlog at regular na demand ay ang agency-to-agency procurement para sa 6.5 milyong plastic cards.
Kinokonsidera rin ang paggamit ng e-licenses bilang alternatibo sa physical driver’s license card.
Samantala, bukod sa lisensya, may problema rin sa plaka ng sasakyan, na ayon sa LTO ay aabot sa 12.5 milyon ang backlog. Sa bilang na ito, 9.1 milyon ang motorcycle plates, habang halos 3.4 milyon ang black and white replacements para sa lumang green motor vehicle plates.
Gayunman, paliwanag ng LTO, may plaka pero nagkakaproblema sa distribusyon, dahil ang ibang dealer, bina-batching ang pagkuha ng plaka at OR/CR sa LTO at pag-submit ng mga required documentation. Kaya sa ngayon, ipinatutupad ang online filing para madalian mag-file, mas mabilis, kukunin na lang ang plaka at OR/CR.
Kung may mga solusyon nang naiisip sa backlog sa lisensya at plaka, gawin na at paspasan para tuluyang matapos ang problema. Paano maipatutupad nang maayos ang batas kung nasa mismong serbisyo ng gobyerno ang problema? Galaw-galaw!
Comments