top of page

Babae, asar sa ka-church na napakatigas ng ulo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 25, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |September 25, 2023


Dear Sister Isabel,

Nawa’y nasa maayos kayong kalagayan gayundin ang mga mahal n’yo sa buhay.


Malapit kami sa Sub-Parish, kaya ako ang napili nilang maging pangulo at maging caretaker na rin ng chapel.


Maayos naman ang pangangasiwa at pamumuno ko, maliban na lang sa isa kong member na napakatigas ng ulo. Hindi niya ako sinusunod, at sarili niya ang iniisip niya. Gayunman, pinagtiyagaan ko pa rin ang posisyon ko. Kung mayroon silang mga pagkakamali,


pinapayuhan ko sila. Ang iba ay naiinis sa akin dahil sa ugali kong ‘yun. Ang sa akin lang naman, kung may pagkakamali ka, dapat ‘yun malaman ng kinauukulan upang maituwid ka.


‘Ika nga ng pari sa amin, “Kung hindi mo itatama ang mali ng isang taong nakagawa ng kamalian, ikaw ay magkakasala ng sin of omission.” Kaya, isa ako sa mga pumupuna at nagtutuwid sa mga member ko rito sa Sub-Parish.


Ang nangyari, nagpalitan na ng pamunuan, at hindi na ako ang pangulo. Pero, ‘yung bagong nahalal, mga tauhan ko rin na naging mga member niya. Ako lang ang pinalitan, nasaktan ako kaya gusto kong dumistansya sa kanila lalo na sa isang member na simula’t sapul ay hindi ako sinusunod. Maski ugnayan namin sa ibang bagay ay wawakasan ko na, mapasimbahan man o tahanan. Magkapitbahay lang kami, nawawala kasi ako sa mood kapag nakikita ko ang taong ito. Tama ba iniisip ko?


Nawa’y mapayuhan n’yo ko.

Nagpapasalamat,

Lolit ng Pampanga

Sa iyo, Lolit,


Sadyang ganyan ang buhay, may kani-kanyang ugali, prinsipyo, at pamantayan sa buhay. Kung ano ang tingin mong ikakagaan ng kalooban mo, ‘yun ang gawin mo.


Huwag mong masyadong damdamin ‘yun pagkawala mo sa puwesto. Magpasalamat ka na lang, dahil nahango ka na sa malaking responsibilidad.


Huwag ka rin magdamdam kung ikaw lang ang napalitan. Tapos na ang termino mo, magpasalamat ka na lang sa Diyos, dahil wala ka na gaanong poproblemahin.


Tanggapin mo na lang ito maluwag sa iyong kalooban. Lahat ay dadaan at lilipas. Walang permanente sa mundo, at wala kang dapat ikahiya dahil maganda naman ang performance mo noong panahong nanunungkulan ka pa.


Ang gawin mo ngayon ay mag-relax, magsaya, mamuhay ng tahimik at payapa sa piling ng iyong pamilya. Iyan ang gusto ng Diyos sa iyo, upang mas sumaya, pumayapa, at maging panatag ang iyong pamumuhay. ‘Yun bang wala kang stress na mararamdaman.


Pagdasal mo na lang ang bagong pangulong pumalit sa iyo, nawa’y maging maka-Diyos, makatao, at walang ibang iniisip kundi ang ikakabuti ng inyong Sub-Parish na dati mong pinamunuan. Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Diyos na Dakila.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page