Ayaw uwian ng OFW na mister, todo-alalang may kabit
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | October 5, 2022
Dear Sister Isabel,
Namumroblema ako sa asawa kong nasa abroad dahil limang taon na siya ru’n at kahit minsan ay hindi pa siya umuwi rito. Gayundin, bihira siyang tumawag kahit sa video call. Palagi niyang sinasabi na hindi siya uuwi hangga’t hindi kami mayamang-mayaman. May isa kaming anak at sabik na sabik na ako sa kanya, pero parang siya ay hindi naman nananabik na makita kami ng anak niya.
Nagtanong-tanong ako sa mga kaibigan niya sa abroad, tapos may nakapagsabi sa akin na may ka-live-in du’n ang asawa ko. Labis akong nalungkot, kaya kinompronta ko siya nang minsang tumawag siya sa phone, pero hindi siya umamin.
Ano ang dapat kong gawin? Sana ay matulungan n’yo ako sa problema kong ito.
Umaasa,
Lerma ng Naic, Cavite
Sa iyo, Lerma,
Kadalasang ganyan ang nagiging problema ng mga misis na iniwan ng kanilang asawa upang magtrabaho sa abroad. Natural ‘yan dahil sa tagal ng panahon na malayo ka sa piling niya, hahanap siya ng mapaparausan sa kanyang sexual desire hanggang magka-ibigan sila nang totohanan. ‘Yan ang kapalit ng dollar sa buhay ng mag-asawang nagtrabaho sa abroad ang isa.
Gayunman, ipagdasal mo na lang ang asawa mo na matauhan siya at maisip niya na mali ang ginagawa niyang pagpatol sa ibang babae, samantalang buhay ka pa na tunay niyang asawa.
Sa kabilang banda, sinupin mo nang husto ang ipinapadala niyang pera. Ang mahalaga ay tuloy-tuloy ang sustento n’yong mag-ina at hindi siya pumapalya ng pagpapadala. Huwag kang magsawang magdasal at humingi ng tulong sa Diyos dahil Siya na mismo ang magpaparamdam sa asawa mo na makonsensiya, itigil na pakikiapid at muling bumalik sa inyong mag-ina.
Makikita mo, isang araw ay nar’yan na siya sa harap mo at kapiling n’yo na ng anak mo.
‘Ika nga, prayer can move mountains. Makapangyarihan ang dasal at naniniwala akong diringgin ng Diyos ang panalangin mo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments