Ayaw nang makitira sa anak dahil ‘di komportable
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | June 29, 2022
Dear Sister Isabel,
Isa akong senior citizen at may tatlong anak na may kani-kanyang pamilya na. Nakatira ako sa bunso kong anak at may dalawa na akong apo sa kanya. Kahit maganda naman ang pakikitungo sa akin ng manugang ko, parang asiwa pa rin ako at hindi panatag ang loob ko.
Gusto ko sanang bumukod ng tirahan dahil may bahay naman ako at walang nakatira ru’n. Tahimik at panatag ako kapag naglalagi ako sa bahay ko. Mas kampante ang loob ko dahil payapa, gayundin, kayang-kaya ko pang mamuhay nang solo dahil sanay akong nag-iisa, walang nakikiaalam at walang pumupuna kung ano ang gusto kong gawin. Hindi tulad sa bahay ng anak ko na maingay, lalo na kapag naglalaro ang mga apo ko na pawang maliliit pa.
Sa palagay mo, Sister Isabel, tama ba ang iniisip ko?
Nagpapasalamat,
Lenny ng Sorsogon
Sa iyo, Lenny,
Bago ang lahat, kausapin mo ang anak at manugang mo, sabihin mo sa maayos na pananalita ang balak mong mamuhay nang solo sa bahay mo. Sa palagay ko ay maiintindihan nila ang balak mo, lalo pa’t sa tingin nila ay malakas at masigla ka pa, gayundin, kayang-kayang mamuhay mag-isa o kumuha ng kasambahay na aalalay sa iyo.
Lakip nito ang dalangin ko na maging masaya ka sa gagawin mong paglipat ng bahay. Paalala lang, palagi mo ring dalawin ang mga anak at manugang mo, lalo na ang iyong mga apo. At kung maaari, magdala ka palagi ng pasalubong sa kanila sa tuwing dadalaw ka.
Patnubayan ka nawa ng Diyos, hindi lamang ngayon kundi maging bukas at kailanman.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments