top of page

Ang krus at dalamhati ng mamamayang pilipino

  • BULGAR
  • Sep 17, 2022
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 17, 2022


Noong nakaraang Miyerkules at Huwebes ay ipinagdiwang natin ang magkaugnay na Pista ng Banal na Krus at ni Maria, Ina ng Dalamhati. Magkaugnay ang dalawang kapistahan: ang matinding pagdurusa ng Anak (ng Diyos) ni Maria at ng Ina ni HesuKristo (Ina rin ng Diyos). Malinaw na hindi mapaghihiwalay ang pagdurusa ng Anak sa pagdurusa ng Kanyang Ina.


Kailangan natin ang malalim at maingat na pag-aaral at pagninilay sa kahulugan ng Krus sa buhay ni Kristo at ng iba’t ibang pagdadalamhati ni Maria na may kaugnayan sa paghihirap ng kanyang anak. Ito marahil ang dahilan ng tila mababaw at mahinang paguunawa sa buhay at misyon ni HesuKristo. At ang kakulangan ng pag-uunawang ito ang dahilan kung bakit mahirap makakita ng mga bukod-taning Kristiyano na masasabi mong uliran at modelo ng pagsunod kay HesuKristo na kongkretong makikita sa buong galak at pagtitiwalang pagpapasan sa kanyang krus.


Madalas sumagi sa aking isip ang Abdilla 5, itong mga nagdaang panahon—26-taon nang nakakulong ang limang inosenteng mamamayan na inakusahan sa pagpasalang kay Retired Col. Rolando Abadilla. Pinatay si Abadilla noong ika-13 ng Hunyo 1996. Inako ng Alex Boncayao Brigade (Communist Death Squad) ang pagpatay kay Abadilla bilang kabayaran sa kanyang mga nagawang kalabisan at karahasan bilang berdugo ng Martial Law noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Ngunit gumawa ng ibang istorya ang kapulisan sa ilalim ng Chief PNIP Robert Barbers. Ayon sa kapulisan, ang tunay na pumatay kay Abadilla ay hindi ang Alex Boncayao Brigade kundi ang limang lalaki na taga-Fairview, Quezon City. Ang Abadilla 5 ay sina Joel de Jesus, isang drayber ng padyak sa Fairview, Quezon City. Tinortyur si De Jesus at idinawit nito ang kanyang mga kapitbahay na sina Lenido Lumanog, Rameses de Jesus; Cesar Fortuna at Augusto Santos.


Nakulong ang tatlong pinaghinalaan. Pansamantalang pinakawalan, ngunit muling ikinulong. Hanggang ngayon, patuloy na na kakulong ang dating limang inosenteng “fall guys.” Bakit apat na lang? Dahil noong 2016, namatay si Lenido Lumanog pagkatapos magdusa ng maraming taon sa sakit sa bato at kailangan nitong magpa-dialysis, tatlong beses isang linggo. Ilang ulit kong inilaban ang Abadilla 5 dahil sa napakalinaw na ebidensiyang walang kasalanan ang apat na lalaki.


Maliban sa pagsisikap ng mga abogadong ipakita na walang-wala talagang kaugnayan ang limang nasasakdal sa krimen na ipinataw sa kanila, sinikap na rin naming ihingi ng “Presidential clemency” o pagpapatawad ng Presidente. Ngunit malupit ang mga korte at malupit din ang mga pulitiko na ayaw suportahan ang tunay na proseso ng katarungan na batay sa katotohanan at sa halip ay pinapanigan ang di makatarungan at maling pag-uugali ng pagkakampihan ng mga pulitiko at dinastiya. Paano na ang reputasyon at pangalan ni Col. Rolando Abadilla kung tatanggapin ang pag-ako ng Alex Boncayao Brigade na hinatulan nila at ibinitay ang berdugo ng Martial Law na siyang kilalang tawag sa pinatay na sundalong opisyal?


Noong isang araw nabalita na kaugnay ng ika-65 kaarawan ng Pangulo, pinakawalan ang 371 preso (o PDL persons deprived of liberty). Meron kayang pag-asang pakawalan na ang nalalabing apat sa Abadilla 5? Huwag nating pag-usapan kung inosente o hindi ang pawawalan. Una, sa totoo lang, maaari na ring pag-aralan kung dahil sa magandang record sa loob ng kulungan ang maaari nang ipagkaloob sa kanila ng Board of Pardon and Parol ang “parole with good conduct.”


Pangalawa, sa dami na ng iniharap na ebidensya sa korte kaugnay ng pagiging inosente ng mga pinagbintangan at ng napakalinaw na paggamit ng kapulisan ng torture para paaminin ang lima sa krimen na hindi nila ginawa, dapat lang balikan ng mga korte ang mga iniharap na ebidensya ng iba’t ibang abogado sa nakaraang mga taon.


Mahigit 26-taon nang naghirap at nagpasan ng krus ang Abadilla 5. Gayundin si Senadora Leila de Lima sa nagdaang halos anim na taon. Maiintindihan ko ang krus ng pagtitiis sa mga karaniwang pagsubok ng buhay. Ngunit kakaibang pagpapasan at pagtitiis ng krus ang ginagawa hanggang ngayon ng Abadilla 5 at ni Senadora Leila de Lima… Ang pasanin ang krus ng pagkakakulong sa kabila ng pagiging malinis, inosente, oo at walang sala.


Sana, sana sa kanilang paghihirap magbago na ang sistema ng katarungang hindi patas at hindi malinis. Sana, lumaya na ang mga pinagdurusa’t pinarurusahang walang kasalanan… Sana, sana, kunin na sa kanila ang mabigat na krus ng inhustisya!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page