Anak sa ibang lalaki, gustong makipagkita
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | January 12, 2022,
Dear Sister Isabel,
Ang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa lihim na hanggang ngayon ay hindi alam ang pamilya ko. May anak ako sa labas, naanakan ako ng kasamahan ko sa trabaho noong nasa Dubai ako, 21 taon na ang nakalilipas. Napilitan akong ibigay ang bata sa ama niya dahil hindi ko alam ang gagawin at labis akong naguluhan kaya ‘yun ang aking naging pasya.
Tiyak na maganda ang magiging kapalaran niya dahil nasa mayamang angkan kanyang ama, habang ako naman ay mahirap lamang ang pamumuhay nang panahong ‘yun.
Nailihim ko ito hanggang ngayon kahit may asawa na ako ngayon at payapang nabubuhay sa piling niya at may 2 kaming anak.
May asawa ang nakabuntis sa akin noon at tinanggap niya ang bata at itinuring na tunay niyang anak. Ang problema ko, kinontak ako ng ama niya dahil nahanap niya ako sa Facebook at gusto raw akong makilala ng anak namin. Natuklasan na raw nito ang lihim ng pagkatao niya at kinukulit siya na gusto akong makilala. Ano ang gagawin ko?
Baka ‘pag nalaman ng asawa ko ito ay hindi niya maunawaan ang paliwanag ko at baka maging dahilan pa ito ng paghihiwalay namin.
Sana ay mabigyan n’yo ako ng kaukulang payo. Malaki ang tiwala ko sa inyo na matutulungan n’yo ako sa aking problema.
Umaasa,
Eduvina ng Camarines Sur
Sa iyo, Eduvina,
‘Ika nga, walang lihim na hindi nabubunyag at dumating na ang panahon na hindi mo na ito puwedeng itago. Makabubuting itaon mo na nasa magandang mood ang asawa mo at unti-unti mong ipagtapat ang iyong lihim. Sa palagay ko naman ay mauunawaan ka niya at matatanggap niya ang iyong nakaraan. Matutuwa pa nga siya dahil ipinagtapat mo sa kanya ang iyong lihim kaysa naman palihim kang makipagkita sa iyong anak.
Ipagtapat mo na gusto kang makita ng anak mong ito, gayundin, malaki na siya at nauunawaan na ang mga pangyayari.
Makabubuti ring isama mo ang iyong mister ‘pag nakipagkita ka sa kanya nang sa gayun ay maging maayos ang lahat at maunawaan ng bawat isa na sa buhay na ito, hindi natin hawak ang lahat. May mga pangyayari na Diyos lamang ang nakakaalam.
Sabi nga, everything that happened in this world has a purpose. May dahilan ang Diyos sa naganap na ‘yan sa buhay mo. Alalahanin mo, instrumento ka ng Diyos upang isilang ang batang ‘yan at anak siya ng Diyos. May purpose Siya sa batang ‘yan.
Malay mo, gagamitin pala siya ni Lord sa isang makahulugang gampanin sa mundo.
Lahat ng batang isinisilang ay Children of God, at muli, instrumento lang ang sinapupunan natin. Kaya kasalanang mortal ang maglaglag ng bata sa sinapupunan.
Walang hanggang kaparusahan ang ipapataw ng Diyos sa mga ina na naglaglag ng sanggol at mabuti na lang, hindi mo ginawa ‘yun.
Hangga’t maaga, ipagtapat mo na sa iyong asawa ang gumugulo sa isip mo ngayon. Ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo upang mapanatag ang isip mo at manatiling payapa ang pagsasama n’yo ng asawa mo.
Tutulungan ka ng Diyos. Huwag mong kalimutang magdasal bago matulog. Hingin mo ang gabay at patnubay ng Diyos.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments