Anak, ayaw mag-open up; madir, todo-alala na baka humantong sa depresyon
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 14, 2023
Dear Sister Isabel,
Nais ko sanang ihingi ng payo sa inyo ang tungkol sa anak ko, naging malungkutin siya nitong mga nagdaang araw. Dati siyang masayahin at palatawang bata pero bigla na lamang siyang naging ganito. Tinatanong ko siya kung may problema ba siya, pero ang lagi niyang sinasagot ay wala umano.
Palagay ko ay may nililihim siya sa amin, at may bumabagabag sa kanyang isipan pero ayaw naman niyang sabihin upang matulungan namin siya.
21-years-old na siya, at babae ang anak ko. Ano kaya ang gagawin ko para mag-open up sa akin ang anak ko para matulungan ko siya at hindi humantong sa matinding depression ang kalagayan niya? Sana ay matulungan n’yo ako.
Nagpapasalamat,
Nanay Antonia
Sa iyo, Nanay Antonia,
Huwag mong pilitin kung ayaw niyang sabihin sa iyo ang problema niya. Pabayaan mo muna siyang makapag-isip-isip.
Maaaring may problema siya sa pag-ibig, puwede rin naman sa kalusugan, at tungkol sa kanyang mga kaibigan at kabarkada. Anu't anuman, ang pinakamaganda mong gawin ay ipakita mo ang pagmamahal mo sa kanya. Dagdagan mo ang pag-aasikaso sa kanya at pagiging maalalahanin.
Iparamdam mo rin na handa kang unawain anuman ang problemang gumugulo sa kanyang isipan.
Kapag nakita niya ang pag-aalaga at pagiging concern mo sa kanya, kusa na niyang sasabihin ang dahilan kung bakit bigla siyang naging malungkutin at walang kibo nitong mga nagdaang araw.
Anuman ang matuklasan mo, unawain at ibigay mo ang buong suporta sa iyong anak.
Ihanda mo na ang iyong sarili, tiyak na may mabigat siyang problema na ipagtatapat niya sa iyo.
Umaasa ako at dumadalangin na malulutas na ang problema mo sa iyong anak.
Samahan mo rin ng dasal, humingi ka ng tulong sa Diyos na Maykapal. Tiyak na makakayanan n’yong mag-ina ang pagsubok na ‘yan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments