Alas Pilipinas men bronze, Thailand champ sa SEA V.League
- BULGAR

- Aug 18, 2024
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 18, 2024

May bagong kampeon ang SEA V.League matapos walisin ng Thailand ang host Alas Pilipinas Linggo ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium. Itinatak ng mga Thai ang kanilang husay – 28-26, 25-14 at 25-16 – para mauwi ang tropeo at $16,000 (P915,437).
Pumasok ang Alas na wala si kapitan Bryan Bagunas na napilay ang tuhod sa laban kontra Indonesia noong Sabado. Kasabay ng paghatid niya ng huling serbisyo ng laro ay nagkamali siya ng bagsak at nakuha ng mga Indones ang puntos upang makumpleto ang 23-25, 25-19, 25-11 at 25-21 tagumpay.
Sinubukang takpan ang nalikhang malaking puwang ni Leo Ordiales na pinangunahan ang atake ng Alas para itayo ang 17-13 bentahe sa unang set. Bumawi ang mga Thai hanggang maagaw ang lamang, 24-23, subalit hindi sumuko sina Ordiales at Michaelo Buddin at pinatagal ang set bago tuluyang nagtala ng magkasunod na puntos ang Thailand at isara ito.
Maagang naubos ang lakas ng mga Pinoy at pinayagang umarangkada ang bisita sa 5-0 sa umpisa ng pangalawang set at hindi na sila nakaahon mula doon. Pumalag sina Noel Kampton at Louie Ramirez sa pangatlong set pero sinagot ito ng limang derechong puntos para lumayo ang Thailand, 23-14. Kahit bigo ay natamasa ng Alas ang kanilang pinakaunang tansong medalya matapos maging kulelat at walang panalo sa dalawang yugto noong 2023 sa Bogor, Indonesia at Sta Rosa, Laguna.
May kasama rin itong gantimpala na $11,000 (P629,363). Nag-uwi rin ng parangal sina Buddin bilang Best Outside Hitter at Kim Malabunga bilang Best Middle Blocker. Nagtala ang dating kampeon Indonesia ng pangalawang sunod na panalo laban sa Vietnam – 21-25, 25-21, 19-25, 25-22 at 15-12 – para makamit ang pilak at $13,000 (P743,793). Nanatiling walang panalo ang Vietnam at magtatapos ng pang-apat at may $10,000 (P572,148).








Comments