Alamin: Mga sanhi, sintomas at komplikasyon ng Diabetes
- BULGAR
- May 22, 2023
- 3 min read
ni Mabel G. Vieron @Life & Style | May 22, 2023

Ang diabetes ay isang sakit na may mataas na level ng blood glucose o blood sugar.
Kapag walang na-produce na insulin ang ating pancreas o hindi nagre-respond ang ating katawan sa insulin, maaari tayong magkaroon ng diabetes, na kung ‘di maagapan ay puwede itong magdulot ng maraming komplikasyon katulad ng kidney damage, vision problems, at cardiovascular diseases.
SANHI NG DIABETES
Ayon sa mga scientist at health expert, hindi pa umano malinaw ang tunay na sanhi ng diabetes. May mga pag-aaral na nagsasabing isa itong autoimmune disorder, kung saan inaatake ng ating katawan ang mga cell na nagpo-produce ng insulin, at may posibilidad din na genetic o puwede itong mamana, pero kailangan pa umano ng mas maraming research ukol dito.
ILAN SA MGA SENYALES NG DIABETES:
Matinding pagkauhaw
Madalas na pagkagutom
Biglaang pagpayat na walang tiyak na dahilan
Mabilis na pagkapagod
Pagiging bugnutin o irritable
Mabagal na paggaling ng mga sugat
Madalas na pagkakaroon ng impeksyon
Kung nakakaranas ka ng isa o higit sa mga sintomas na nabanggit, magpakonsulta sa doktor upang makumpirma kung mayroon kang ganitong sakit.
Malaki rin ang naitutulong sa pagma-manage ng pagkain. Walang specific na diet para sa mga diabetic, pero inirerekomenda ng health expert ang mga prutas, gulay, whole grains, at lean proteins. Maganda rin umano ang epekto ng mga pagkaing mataas ang fiber content at mababa ang fat at calories. Gayunman, puwede rin umanong kumain ng matatamis na pagkain, pero dapat ay ayon lang sa payo ng iyong doktor o dietitian.
Isa pang dapat gawin ng mga may diabetes ay ang pag-e-exercise. Pakatatandaan na ginagamit ng ating katawan ang glucose para sa enerhiya. Nakakatulong din ang exercise na mas maging sensitive ang katawan sa insulin. Dahil dito, hindi kailangan ng maraming insulin para maipadala and glucose sa mga cell.
Kung may mapansing kakaiba sa blood sugar levels, sabihin kaagad ito sa iyong doktor.
Kung masyadong mataas ng blood sugar, pumunta na agad sa ospital.
Makakatulong din sa pag-iwas sa diabetes ang pagbabawas ng timbang kung ikaw ay overweight o obese. At para naman sa mga buntis, hindi inirerekomenda ang pagbabawas ng timbang. Ang mas magandang gawin ay itanong sa ating health expert kung ano ang maximum na timbang na puwedeng madagdag sa katawan para manatiling safe ang pagbubuntis.
MGA KOMPLIKASYON NG DIABETES
Habang tumatagal na mayroong diabetes ang isang tao, tumataas din ang risk na magkaroon siya ng mga komplikasyon. Kapag hindi naagapan, posibleng makaranas ng mga sumusunod na komplikasyon ang isang taong may diabetes:
NERVE DAMAGE O NEUROPATHY. Kapag mayroon kang neuropathy, puwede kang makaramdam ng pananakit o pamamanhid ng mga kamay at paa na nagsisimula sa mga daliri. Posible ring maapektuhan ng neuropathy ang tiyan.
CARDIOVASCULAR DISEASE. Kasama na ang coronary artery disease, heart attack, at stroke.
KIDNEY DAMAGE O NEPHROPATHY. Nakakaapekto ito sa kakayahan ng mga bato na i-filter ang dumi sa ating katawan. Sa pagtagal ng kondisyong ito, maaaring tuluyang masira ang mga kidney.
EYE DAMAGE O RETINOPATHY. Kung saan nasisira ang mga blood vessel sa retina. Puwede rin itong mauwi sa pagkabulag, katarata, at glaucoma.
SKIN CONDITION. Katulad ng fungal infection at iba pa.
GANGRENE. Kung saan namamatay ang body tissues dahil sa kakulangan ng supply ng dugo.
ALZHEIMER’S DISEASE. May mga pagsusuri na nagsasabing mas mataas ang risk na magkaroon ng dementia kapag hindi nama-manage nang maayos ang blood sugar.
Para maiwasan ang malulubhang komplikasyon, sunding mabuti ang mga payo ng doktor, lalo na kung tungkol sa pagkain at pag-inom ng gamot. Mga ka-BULGAR, ito ay pagbabahagi lamang ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice.
Okie?




Comments