Alamin ang iba’t ibang diskarte sa buhay habang nagkakaedad
- BULGAR
- Jul 7, 2020
- 3 min read
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 7, 2020

Sabi ng ilang mananaliksik, ang ating personalidad ay nakapirmi lang sa pagdaan ng maraming taon sa ating buhay. Pero hindi pala, sa pinakahuling pag-aaral, ipinakita na kaya nating mag-improve hanggang kada dekadang nadaragdag sa ating buhay.
“Ang ating utak ay nagpapatuloy sa paghubog ng bagong neutral pathways habang nabubuhay tayo at tumatanda,” paliwanag ni Harvey L. Sterns, Ph.D., Director ng Institute for Life-Span Development and Gerontology sa University of Akron.
Ang totoo, bawat nagdaraang dekada sa ating buhay ay naghahatid ng bagong ugali na lumalabas sa ating personalidad at bagong mga kalakasan sa ating katawan. Kaya, paano bang ang mga dumarating na mga taon ang nagbibigay ng pagbabago sa ating personalidad habang tumatanda?
Kung ikaw ay...
1. NASA EDAD 20: Konsentrado ka na sa mga bagay na may pagka-agresibo nang ginagawa at dahil bata ka pa, kayang-kaya mong harapin nang may tapang ang bawat mga pagsubok, balewala sa iyo kung medyo mapanganib ang susuungin. ‘Yan ay dahil sa pag-aaral, ipinakikita ng iyong utak na ang impulse-control center ay nagma-mature na kaya nagagawa mo nang isuong ang sarili sa matitinding mga challenge. Ito rin ang edad kung saan lumalabas ang iyong pagiging ambisyoso. Umiibayo ang iyong mga pangarap hanggang sa edad na 30 at 40.
2. PAGTUNTONG SA EDAD 30: Masaya ka nang nakikipagkapwa. Ikaw ay nagiging masayahin na, marunong ka nang makihalubilo, disiplinado at palakaibigan nang totoo. Dito na nalilinang ang iyong pagiging makarisma sa marami. Marami ka na rin ditong natututunang wika sa ganitong edad at nahahasa ang iyong pakikisalamuha. Higit na malakas at matatag ang pakikipagkaibigan. Ayon kay Sterns, ang pagdaragdag ng bagong mga kaibigan ang nagpapatatag ng iyong kumpiyansa at pagiging outgoing sa mga susunod pang mga taon.
3. PAGKAEDAD NG 40: Bihasang-bihasa na ang iyong isipan at marami ka nang magagandang ideya. Congratulations! Nae-enjoy mo na ang sinabi ni Sterns na “Flourishing Forties!” Nag-aagawan nga lang dito ang ugaling makasarili at mapagbigay. Ibig sabihin, kung minsan gustong nag-iisa at may ginagawa ayon na rin sa pagkakatuklas ng kanyang mga ideya.
Paano sinasabing nagsasama ang dalawang magkasalungat na ugaling ito sa ganyang edad? Ayon sa pagsasaliksik, ang neutral pathways na naging ekstrang palakaibigan ka noong edad 30 ay lumilitaw na ngayon sa karunungan na umiibayo pagtuntong sa edad 40. Kaya naman ang resulta, nagiging balanse na ang iyong personalidad, habang nagpapatuloy kang nahuhumaling sa mga bagong mga hobby at matutunan ang anumang bagay para sa ikabubuti at ikalalago ng iyong personalidad.
4. PAGSAPIT SA EDAD 50: Wala kang kapaguran kung kumilos at mag-isip. “Sa halip na umupo at tumingin sa paligid, naghahanap ka ng mga bagong oportunidad na trabaho na lalong nagpapakinang sa mga iyong mga interes at hilig at pinalalawak mo pa ang iyong mundo,” ani Sterns. Sa tindi ng iyong sense of control sa mataas na estado, determinado kang harapin ang bagong mga pagsubok upang matiyak na ang susunod na hakbang ay mas mainam kaysa sa unang ginawa kaya nagtatagumpay ka.
Ipinakita sa pag-aaral na ang mga taong kasing-isip na ni Ophra ay marami nang kaalaman at kakayahan na patatagin ang bagong kinabukasan.
5. PAGKAEDAD 60 PATAAS: Ikaw ay isa nang creative person. Nakikita mo ang isang solusyon na hindi nagagawa ng iba kaya naman hindi kataka-takang ikaw ay hangaan ng nakababata sa iyo. Ikaw na rin ang nilalapitan bilang tagapayo o consultant. Sa pag-aaral, ang komunikasyon sa pagitan ng lohikal na kaliwang bahagi ng iyong utak at imaginative skills sa kanang parte ay mas malakas na!
Ismarte, matalino, kumpiyansa at mahusay nang makipagkapwa, taglay mo na ang pinakamagagandang katangian ng mga nagdaang taon sa iyong buhay at sapat nang edad ito upang dito na matanggap ang sari-saring awards at pagkilala sakaling nakagawa ka man ng kabutihan, kawang-gawa at kabayanihan sa iyong kapwa.
At alam n’yo ba na ang mga long-distance runner umano sa edad na 40 hanggang 50 ay tinatalo pa ang 20 hanggang 30-anyos na kalaban sa anumang takbuhan saanmang paligsahan ng running?
Comments