Akala siya lang ang pinakasalan… Misis, nagulat sa biglang pagsulpot ni No.1
- BULGAR
- Sep 20, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |September 20, 2023
Dear Sister Isabel,
Magandang buhay sa inyong lahat d’yan. Bihira lang akong bumili ng dyaryo dati. Pero, nu’ng nabasa ko ‘yung column n’yo, nagka-interest ako dahil ramdam na ramdam ko ‘yung payo na binibigay n’yo sa problemang isinangguni nila sa inyo.
Nakaka-relate ako dahil sa katunayan, ako ‘yung tipo ng tao na hindi nawawalan ng problema, ‘yun bang sunud-sunod at patung-patong na problema ang lagi kong nararanasan. Ewan ko ba, pinaglihi yata ako sa sama ng loob. Pero, heto ‘yung pinakamabigat sa lahat.
Almost 3 years na kaming nagsasama ng asawa ko, masaya naman ang aming relasyon at may dalawa kaming anak, isang babae at isang lalaki. Nang biglang may umeksenang babae sa bahay namin at nagpakilalang tunay na asawa raw siya ng mister ko. Nagulat ako dahil kasal din kami ng husband ko. Paanong nangyaring may tunay pala siyang asawa? At nauna pa siyang pakasalan kaysa sa akin?
Nagkataong dumating din ang asawa ko galing trabaho, maski siya ay nagulat din sa biglaang pagsulpot ng babaeng ‘yun. Hindi na nakapagsinungaling pa ang mister ko at inamin rin niya ang katotohanan. Iyak ako nang iyak, hindi ko alam ang gagawin.
Pinakalma ako ng asawa ko at sinabing mas mahal niya kami kaysa sa una niyang asawa, at wala umano silang anak nu'n.
Magpa-file umano ito ng demanda. Pero, okey lang daw ‘yun, dahil maikli lang naman ang sentensya kung itutuloy niya ito. ‘Wag daw akong mabahala dahil malaki ang laban ng mister ko. ‘Yun pala ay may ibang lalaki rin ang dati niyang asawa. Noon pa man daw ay pinagtataksilan na siya nito kaya nagpasya siyang hiwalayan ito at humanap ng matinong babae na makakasama niya habambuhay.
Gayunman, hindi pa rin mapanatag ang isip ko. Hindi ako makakain at nalulungkot ako.
Ano kaya ang gagawin ko? Patuloy ko pa bang pakikisamahan ‘yung husband ko, kahit na hindi pala ako ang una niyang pinakasalan? Sana ay mapayuhan n’yo ko sa kung ano ang dapat kong gawin.
Nagpapasalamat,
Imelda ng Silang, Cavite
Sa iyo, Imelda,
Ang sabi mo ay mahal ka naman ng asawa mo, at mas mahal niya kayo kaysa sa una niyang asawa. Ang mahalaga ay nagmamahalan kayo sa piling ng inyong mga anak.
Sa palagay ko ay hindi mo dapat siyang hiwalayan, dahil lamang sa pagsulpot ng dati niyang asawa na gustong manggulo sa inyo.
Hayaan mo na lang ang tadhana na mag-ayos ng gusot na ito. Kung kayo ang tinakda ng tadhana magsama habambuhay, panindigan mo ‘yun at patuloy na magpasalamat dahil masaya ka rin naman sa piling ng asawa mo.
Sa palagay ko, wala namang laban ang una niyang asawa kung sakaling magdemanda ito dahil siya mismo pala ay may ibang lalaki na ring kinakasama. Pera lang ang katapat n’yan, at gusto lang siguro niyang humingi ng pera sa asawa mo. Madali lang ang solusyon d’yan, ipanatag mo ang iyong kalooban, dahil nasa panig mo ang tadhana.
Hindi magwawagi ang sinumang sumira sa pagsasama n’yo, lalo na kung ikaw ay magiging madasalin at mapagpakumbaba. Papanig sa iyo ang langit, hanggang dito na lang, pagpalain nawa kayo ng Diyos. Alalahanin mo na ang mag-asawa ay dapat nagmamahal, at hindi nag-aaway.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo








Comments