top of page

Age is just a number… Bebot, dapat na balikan ang ex-bf, kahit parehas na mashonda

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 15, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | December 15, 2023


Dear Sister Isabel,


Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan gayundin ang mga kasamahan n’yo r’yan sa Bulgar. Lagi akong nagbabasa sa column n’yo. Nakakapulot ako ng mga aral sa pina-publish n’yo at kung paano sosolusyunan ang mga ito. ‘Di ko sukat akalain na may darating din palang problema sa akin na magpapagulo nang husto sa puso’t isipan ko. Naglilingkod ako sa simbahan, pagkatapos ng duty ko, umuuwi agad ako sa bahay para makaiwas sa pakikipagtsismisan sa mga kasamahan ko. 



Ang problema ko ay ang ex-boyfriend ko na nasa abroad. Umuwi na siya rito sa ‘Pinas, ayaw niya akong tantanan, at lagi siyang nakasubaybay sa akin. Umiiwas na ako dahil mayasawa siya. 


Nang bumalik ako rito sa ‘Pinas, dinededma ko lang siya na para bang hindi ko siya kilala. Kasalanan sa mata ng Diyos at sa mata ng tao kung patuloy akong makikipagrelasyon sa kanya. Gayunman, lagi pa rin siyang nakabuntot sa akin.


Sunod nang sunod kahit ‘di ko naman siya pinapansin. Hanggang isang araw, nabalitaan ko na namatay na ang asawa niya. Lalo siyang naging masigasig na ligawan ako at handa umano siyang pakasalan ako. Mayaman siya, may kotse at tiyak na masusunod ang layaw ko ‘pag pinatulan ko siya. Nag-iisa na lang siya sa buhay dahil ang mga anak niya ay may sari-sarili na ring pamilya. Kaya lang, pareho na kaming senior citizen . Ngayon pa ba ako mag-aasawang muli? 


Ano sa palagay n’yo, Sister Isabel? Tatanggapin ko ba siya sa buhay ko, kahit maputi na pareho ang aming buhok? Masakit na rin ang tuhod at malabo na ang paningin ko? Nawa’y gabayan n’yo ako sa pagpapasya.

 

Nagpapasalamat,

Vilma ng Batangas

 

Sa iyo, Vilma,


‘Ika nga sa kasabihan, “kalabaw lang ang tumatanda”. Ang puso ng tao ay nanatiling bata at naghahangad na may magmahal at mahalin din siya ng wagas. Age is just a number. Huwag mong pigilan ang damdamin mo dahil lamang senior citizen ka na.


Umibig ka upang ibigin ka rin. Enjoy your life. Minsan lamang tayo tumapak sa mundong ito, at hindi na tayo makababalik pa kung sakaling kunin na tayo ni Lord. 


Samantalahin mo ang pagkakataon habang may nagmamahal pa sa’yo. Ang pag-aasawa ay hindi lamang sex. Tanggapin mo na ang pag-ibig sa iyo ng dati mong dyowa sa abroad tutal biyudo na siya ngayon. Hindi na kasalanan sa Diyos na patulan mo siya.


Walang masama kung itutuloy n’yo ang naudlot n’yong pagmamahalan. Ngayon na ang tamang panahon para kayo ay lumigaya.

 

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page