After 22 yrs... SARAH BALABAGAN, UMAMING SI ARNOLD CLAVIO ANG TATAY NG PANGANAY NA ANAK
- BULGAR
- Aug 25, 2020
- 4 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | August 25, 2020

Tanda n'yo pa si Sarah Balabagan? Ang menor-de-edad na nagtrabaho bilang OFW sa United Arab Emirates at nakulong mula 1994-1996 dahil napatay niya ang amo na gusto siyang gahasain?
Inamin ni Sarah na si Arnold Clavio ang ama ng kanyang anak na babae na 21 years old na ngayon.
Matatandaang tinulungan siya noon ng namayapang si Ambassador Roy Señeres na bumaba ang sentensiyang kamatayan sa pagkakakulong sa loob ng pitong taon at nagmulta hanggang sa naiuwi na sa Pilipinas.
Maraming nagkainteres na gawing pelikula ang buhay ni Sarah at maraming media personality din noon ang tumututok sa kanya at isa na si GMA-7 news anchor Arnold Clavio.
Marami ang nakapansin noon (kasama na kami) na sobrang close na nina Sarah at Arnold, bagay na pinagdudahan na may relasyon ang dalawa na kaagad din naman nilang itinanggi.
Pero sa kalaunan ay biglang nawala si Sarah sa limelight at balitang nabuntis, na ang itinurong ama ay si Ginoong Seneres.
Anyway, pagkalipas ng 22 years ay heto at inamin na nga ni Sarah na si Arnold Clavio ang ama ng panganay niya na hindi binanggit ang pangalan.
Na-open ang pahayag na ito ni Sarah dahil nag-viral daw ang post tungkol kay Arnold Clavio at 10 PM siya nag-live dahil hinintay niyang dumating ang asawa niya para bantayan ang kanilang mga anak na edad 5 at 1.
“In respect po sa aking asawa, kay Jun Sereno, at humingi po ako sa kanya ng pahintulot/permission na magsalita for once and for all para maging malinaw na.
“Sino ba talaga ang ama nu’ng panganay ko. Nagpapasalamat po ako sa Diyos kasi very supportive po ang aking asawa at napakalaki po ng sakripisyo niya sa akin na kung alam n'yo lang po ang buhay ko talaga,” natatawang kuwento ni Sarah.
Nabanggit pa niyang nang bigyan na siya ng go signal ng asawa na magkuwento ay kinausap din niya ang nanay at mga kapatid niyang nasa Mindanao at nagbigay na rin ng basbas kaya abut-abot ang pasasalamat niya sa pamilya niya sa lahat ng suportang ibinibigay sa kanya.
“Kaya ko po ginagawa ito ay dahil po after 22 years na po na pangyayari sa buhay ko, ito na naman. Lumabas na naman. Sabi nga nila, walang bahong hindi lalabas. Naisip ko po, hindi po ako nalungkot para sa sarili ko, dahil sa totoo lang po, by God’s grace, nakapag-move on na po ako. Masaya na ako sa buhay ko ngayon.
“Paano ‘pag wala na rito ako sa mundo? Tapos, hindi ko ito itinama, ikinorek? Baka mamaya, maging multo pa ito sa mga anak ko o kaya gamitin pa ng mga demonyo para guluhin ang isipan ng mga anak ko.
“‘Yung panganay ko po, malaki na siya, she’s 21 years old, so maiintindihan na niya, may mga maliliit pa po akong mga anak na dapat kong isipin,” kuwento ni Sarah.
Marahil ay marami ang magtataka kung bakit ngayon lang siya nagsalita gayung napakatagal na panahon na ang nakalipas at nagpasalamat siya dahil nag-viral ang post ni Arnold kaya may dahilan siya para itama na ito kasama na ang bintang na si Mr. Señeres ang ama ng anak.
Pagkaklaro ni Sarah, “Alam n'yo po, si the late Ambassador Roy Señeres, siya po ‘yung tumulong sa akin. Ang pamilya po niya ang tumulong sa akin nu’ng mga panahon na ako ay nabuntis. At para hindi kumalat sa public, para hindi masira ‘yung image ko noon, image noong taong (Arnold) ‘yun, ay itinago ako, kinupkop po ako nila Ambassador Roy Señeres. Ang nakakalungkot, binabaliktad na siya raw ‘yung ama.”
Nabanggit din ang pangalan ng businessman na si Mr. William Gatchalian na itinurong ama pero muling kinlaro ni Sarah na nag-donate ito ng $40,000 para blood money noong nakakulong pa siya sa UAE.
Sa pagpapatuloy ni Sarah, “Kaya po kami naging close. Ngayon po, sa lahat ng mga nakakakilala personally kay Arnold Clavio, alam n'yo po kung gaano po siya kakenkoy.
“Hindi lamang po ‘yung mukha niya kung hindi po ‘yung talagang ‘yung sense of humor niya. Kahit ‘pag umiiyak ako, kahit malungkot ako, napapatawa niya po ako. So, just imagine po, na galing ako sa kulungan, kung gaano po ako ka-vulnerable noon.
“Siya po ‘yung isang tao na kauna-unahang pagkakataon na nagpasyal sa akin sa Maynila. Siya rin po ‘yung kauna-unahang tao na nagyaya sa akin na manood ng sine sa Maynila. So, ako naman po, tuwang-tuwa. ‘Napakabait naman ni Kuya Arnold.’ Marami pa pong kuwento pero ayaw kong ikuwento ngayon.
“‘Yun lamang po. Inaamin ko na si Arnold Clavio po ‘yung (tatay) ng panganay ko pong anak. Alam ko po nagkasala po ako, at saludo po ako sa kanyang maybahay, sa kanyang asawa dahil noong malaman niya ‘yung totoo, talagang sinuportahan niya si Arnold.
“Siya pa po ‘yung nag-reach out sa akin sa Messenger at nag-message siya sa akin. Ito ang sabi niya sa message, ‘Sarah, I forgave you.’”
Samantala, inudyukan din ni Sarah kung may mga katanungan pa tungkol sa isyu ay open siyang sagutin lahat ito at maaaring makipag-ugnayan sa kanya sa kanyang radio show sa Amerika na PHLV Radio Presents Sari-Sarah, Tuesdays, 7 PM or maaari siyang mapanood sa kanyang FB Live sa parehong oras.
Comments