ni Eli San Miguel @Entertainment | August 19, 2024
Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 19 na taon, inamin na sa publiko ng singer-actor na si Gerald Santos na siya ay ginahasa ng former musical director ng isang television network.
Sa isang pagdinig sa Senado tungkol sa sexual abuse sa entertainment industry, ibinahagi ni Santos ang kanyang karanasan ng pang-aabuso mula sa ‘di-kinilalang direktor.
“Ako po ay hindi po na-harass, hindi po na-abuse,” panimula ni Santos. “Ako ay na-rape po. Na-rape po ako, your honor.”
Sinundan naman ito ng tanong ni Senador Jinggoy Estrada, “There are a lot of definitions of rape. How did you say it was rape?”
“Handa po akong ikuwento dito ang nangyari, pero ako po ay natatakot na baka po ako ay balikan ng mga taong ito,” dagdag pa ng singer-actor.
Inihayag ng “Pinoy Pop Superstar” alumnus na nangyari ang insidente noong 2005 nang siya ay 15 taong gulang pa lamang. Gayunpaman, hindi niya pinangalanan ang musical director na gumawa ng aksyon.
“For 19 years kineep ko lamang ito dahil sa takot ko nga po, sa kahihiyan. Hiyang-hiya po talaga ako lalo na noon dahil ‘yung grupo na nasa loob ay parang dini-dismiss lang nila ‘yung sinabi ko, na parang mag-move on ka na lang kasi kalakaran ‘yan dito,” ani Santos.
“I was only 15 years old at that time, your honors, kaya wala pa po akong lakas ng loob noon. Contestant pa lang po ako noon. Kaya ‘di ko nasabi agad… Sa parents ko na iyak na lang nang iyak. Kinamatayan na ng lolo ko sa sama ng loob niya kasi ‘di po ako nabigyan ng katarungan po,” pagpapatuloy niya.
Matatandaang naging matunog ang pangalan ni Santos kamakailan, matapos siyang mag-post sa social media upang ipahayag ang kanyang pakikiramay kay Sandro Muhlach, habang inaalala ang kanyang sariling karanasan bilang biktima ng sexual abuse at umaasang makakamtan ni Muhlach ang katarungan na hindi niya nakuha noon.
Comments