900K walang ‘K’ sa 4Ps, sasampulan
@Editorial | July 12, 2022
Umpisa na ang paglilinis sa listahan ng mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa 900,000 ang hindi karapat-dapat sa 4Ps na maaalis sa listahan.
Una nang inatasan ng Pangulo ang ahensiya na tanggalin ang mga walang ‘K’ sa nasabing government cash assistance program.
Tiniyak din na hindi lamang halos isang milyon ang maaaring maalis dahil patuloy ang pag-review sa listahan. Hihingin din umano ng DSWD ang tulong ng publiko para mabatid kung sino sa mga kapitbahay ang kaduda-dudang benepisaryo para mas mabilis na maisakatuparan ang pagwalis sa mga walang karapatan sa tulong ng gobyerno.
Magkakaroon ng hotline at Facebook page kung saan magrereklamo o magsusumbong ang mga tao.
Ang 4Ps ay programa ng gobyerno para sa mahihirap na Pinoy upang mas mapangalagaan ang kalusugan at maipagpatuloy ang edukasyon ng pamilya, lalo na ng mga anak.
Kaya kung may mga hindi karapat-dapat sa listahan na nakalulusot, kawawa ang mga higit na nangangailangan.
Malaking bagay na natutukan na ang usapin sa pamimigay ng ayuda lalo na sa panahon na kailangang maghilahan pataas ang bawat isa alang-alang sa ating bayan. Tulungan ang walang-wala, hanggang sa sila naman ang magkaroon at umalalay din sa iba.



Comments