top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

70-anyos na biyuda, bet nang magpakasal sa foreigner bf, todo-alalang tutulan ng mga anak

BULGAR
Apr 20, 2022
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | April 20, 2022


Dear Sister Isabel,


Matagal ko nang gustong sumangguni sa inyo pero nahihiya ako dahil 70-anyos na ako at biyuda, pero mukha akong mas bata sa tunay kong edad. Hindi alam ng mga anak ko na may boyfriend akong foreigner at nagkita kami last year sa India dahil pumunta ako ru’n upang tumanggap ng award sa isang pagtitipon ng mga makata. Naging magaan ang dugo namin sa isa’t isa. “Raj” ang tawag sa kanya sa kanilang lugar, na ang ibig sabihin ay hari, at remote area ang kinaroroonan nila.


Sa madaling panahon, nagkaibigan kami hanggang bumalik na ako sa Pilipinas at patuloy kaming nag-chat. Balak naming magpakasal sa India sa December, pero natitiyak kong hindi papayag ang mga anak ko dahil sa aking edad.Gayundin, mag-aalala sila kung tuluyan akong titira sa India pagkatapos ng kasal.


Gayunman, desidido akong magpakasal dahil hindi naman ako mahihirapan at tatawagin pa akong reyna ng tribo nila. May mga alalay o katulong du’n kung sakaling pumayag akong magpakasal sa kanya.


Sister, naguguluhan ako kung magpapakasal o hindi dahil ‘pag sinabi ko ito sa mga anak ko, baka hindi nila maunawaan ang damdamin ko at magtampo silang lahat sa akin. Tatlo ang anak ko at mga professional na sila at may sarili nang pamilya, maliban sa isa na dalaga pa at kasalukuyang nagtatrabaho sa abroad.


Ano ang dapat kong gawin? Nawa’y matulungan n’yo akong magpasya sa problemang gumugulo ngayon sa isip ko.


Nagpapasalamat,

Elvie ng Pateros



Sa iyo, Elvie,


Ang tanong ay, kaya mo pa ba ang buhay may-asawa kung saan hindi puwedeng sarili mo lang ang iyong iintindihin? Kailangan mo ring paglingkuran at alalayan ang asawa mo, hindi lamang sa araw, lalo na sa gabi. Alam mo na ang ibig kong sabihin. Ang pag-aasawa ay hindi lang pagsisilbi sa asawa kundi pati puso’t kaluluwa ay handa mong ibigay nang buo sa kanya. Kaya muli, kakayanin mo pa ba ito sa edad mong 70? Kung “Oo” ang sagot mo, tumuloy ka at sundin mo ang tibok ng puso mo. Tutal, may kani-kanya nang pamilya ang mga anak mo, maliban sa isa na nasa abroad.


Alam kong nangungulila ka ngayon at naghahanap ng pagmamahal na hindi kayang ibigay ng mga anak mo. Ikaw ang nakakaalam kung paano ka magiging maligaya sa buhay sa nalalabi pang mga araw sa mundo. Kung ano ang gusto mong gawin, gawin mo.


Pero hindi ka ba nag-aalala, maikling panahon lang kayong nagkakilala at minsan lang nagkita? Makabubuti sigurong alamin mo muna nang mabuti ang tunay niyang ugali at pagkatao bago ka tuluyang magpakasal. Kung hindi na magbabago ang isip mo at desidido ka na talaga sa kanya, hingin mo ang patnubay ng Poong Maykapal at magdasal ka nang taimtim.


Lakip nito ang aking dalangin na nawa’y siya na ang itinakda ng kapalaran sa buhay mo sa edad mo ngayon. Matagpuan mo nawa ang kaligayahan at kaginhawahang inaasam-asam mo sa piling niya.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page