top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

6 tips upang matulungan ang hikahos na kaanak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 16, 2020
  • 2 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 16, 2020




Sa bawat pamilya ay mayroong ilan na hikahos sa buhay at ‘yan ay hindi maiiwasan dahil hindi lahat ng tao ay pinagpapala. Kaya kung mayroon mang ganito sa buhay na mga kaanak, kapos sa kakayahan at hirap makapagtrabaho nang malaki-laki ang kinikita ay dapat tulungan.


Hindi sila kasing suwerte mo na umuunlad ang buhay, umaasenso at pinagpapala. Paano kung gipit sila, kung ikaw naman ay maraming pera at sobra-sobra naman na rin para sa inyo ang biyaya, ipatawag mo sila, ipadama mo sa kanila ang kahit minsang pagmamahal at malasakit.

1. Kung sino ang pinakamahirap na kapamilya ang siya mong pakitaan ng kabaitan. Huwag siyang maliitin dahil kapos sila at gipit sa buhay. Kahit sino ay kailangan ng tulong mula sa nakaririwasa.

2. Maging handang magbigay at tulungan sila nang buong puso nang wala kang inaasahang anumang kapalit mula sa kanila. At dahil wala silang kakayahang makapagbigay, huwag ding ipadama sa kanila na habang tinutulungan mo sila ay may kailangan silang tanawin na utang na loob at bayaran. Sinsero mo silang tulungan.

3. Hikayatin ang iba pang miyembro ng pamilya na magsama-sama at tulungan ang hikahos na mahal sa buhay kung hindi mo gaanong kaya ang tumulong.

4. Tanungin ang mahirap na pamilya kung anong tulong ang maibibigay mo sa kanila. Ipakita mo sa kanila na nagmamalasakit ka at nais mo silang tulungan sa abot ng iyong makakaya. Huwag na silang hintayin na humingi ng tulong. Madalas mo namang nakikita at nararamdaman ang kanilang pangangailangan, hindi maikakaila ‘yan.

5. Dalasan ang pag-uukol ng panahon sa kanila. Kung wala ka man na maibigay na pera o materyal na bagay para matulungan sila, huwag kang ma-guilty. Habang may panahon ka sa kanila na mapalakas ang loob nila at makipagkuwentuhan kahit paano o ang mapaglutuan sila ng masarap na pagkain, isa na itong paraan ng buong pusong pagtulong.

6. Mag-donate ng sobra mong kagamitan na hindi na ginagamit na puwede pa nilang mapakinabangan. Tiyakin na maayos pa ring magagamit. Huwag na huwag na hindi sila tulungan. Sila ang kinatawan ng Diyos na nagpaparamdam ng hirap at paghihikahos sa buhay na dapat mong abutan ng tulong. Ito ay kung nakikita o dama mong kailangan nila ng tulong mo at may kaya kang gawin ito.

Maaaring darating din ang panahon na tutulong din ang mga iyan sa ‘yo. Hindi man sa pera, pero sa ibang paraan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page