6 arestado sa tupada
@Balitang Probinsiya | July 26, 2023
BATANGAS — Anim na sabungero ang inaresto ng mga tauhan ng pulisya kamakalawa sa isang tupadahan sa Bgy. San Miguel, Batangas City sa lalawigang ito.
Nakilala ang mga suspek na sina Anthony Asi, Michael Cruz, Romulo Sarmiento, Leo Andal, Wilson Guico at Adrian Alo, pawang nasa hustong gulang at mga residente sa nabanggit na lalawigan.
Ayon sa ulat, may nagbigay impormasyon sa mga awtoridad na may mga nagsasagawa ng ilegal na sabong sa naturang lugar kaya agad itong sinalakay ng mga operatiba at dito nadakip ang anim na suspek, samantalang nakatakas naman ang iba pang sabungero.
Nakakumpiska ang mga operatiba ng mga manok na panabong, cash at mga tari sa lugar na pinagdausan ng ilegal na sabong.
Nakapiit na ang mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong illegal gambling, samantalang pinaghahanap pa ng pulisya ang ibang nakatakas na sabungero.



Comments