by News @Balitang Probinsiya | September 5, 2024
Maguindanao Del Sur — Apat na miyembro ng teroristang Dawlah Islamiya (DI) ang sumuko sa pamahalaan kamakalawa sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan sa lalawigang ito.
Para sa kanilang seguridad ay hindi na pinangalanan ng mga otoridad ang mga sumurender na miyembro ng DI na nakabase sa lalawigan.
Ayon sa ulat, isinuko rin sa mga otoridad ng mga terorista ang mga dala nilang mga armas at pampasabog.
Sinabi ng mga naturang miyembro ng DI na nais na nilang magbagong buhay kaya sumuko sila sa gobyerno.
Isinasailalim pa sa taktikal na interogasyon ang apat na sumukong terorista upang matiyak na bukal sa kanilang kalooban ang pagbabalik-loob sa pamahalaan.
SUNDALO NALUNOD, PATAY
PALAWAN -- Isang sundalo ng Philippine Marines (PM) ang namatay nang malunod kamakalawa sa dagat na sakop ng Brgy. Poblacion, San Vicente sa lalawigang ito.
Sa kahilingan ng kanyang pamilya ay hindi na pinangalanan ang sundalo.
Ayon sa ulat, kabilang ang biktima sa mga nagsasagawa ng special platoon training sa pamamagitan ng paglangoy sa dagat nang malunod ito.
Nabatid na lumubog sa dagat ang biktima kaya hindi agad ito nasaklolohan ng mga kapwa niya sundalo.
Agad dinala ng kanyang mga kasamahang sundalo ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.
TOP 8 MOST WANTED NASAKOTE
CAPIZ -- Isang top 8 most wanted criminal ang naaresto ng pulisya kamakalawa sa kanyang hideout sa Brgy. Calaan, Panitan sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ng pulisya ang suspek na 43-anyos, habang iniimbestigahan ito ng mga otoridad.
Ayon sa ulat, dinakip ng pulisya ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kasong murder sa lalawigan.
Nabatid na nakita ng mga operatiba ang suspek sa nasabing lugar kaya agad itong inaresto.
Hindi naman nanlaban ang suspek at ngayon ay nakapiit na siya sa detention cell ng himpilan ng pulisya.
NOTORYUS NA PUSHER, TIKLO
PAMPANGA -- Isang notoryus na drug pusher ang naaresto sa buy-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. San Joaquin, Mabalacat sa lalawigang ito.
Pansamantalang hindi pinangalanan ang suspek na nasa hustong gulang at nakatira sa nabanggit na bayan habang iniimbestigahan pa ito ng pulisya.
Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang suspek kaya agad nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba sa naturang barangay na naging dahilan upang madakip ang drug pusher.
Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 10 gramo ng hinihinalang shabu, dalawang gramo ng marijuana at marked money sa pag-iingat ng suspek.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Comments