top of page

33-anyos na hirap sa buhay, dapat nang mahanap ang mapapangasawa para may katuwang sa pag-unlad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 25, 2020
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 25, 2020



Dear Maestro,


Mula 2019 hanggang ngayon, ang daming problema na dumating sa aming buhay, kaya naman hirap na hirap na ang aming pamilya at naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung kailan kami susuwertehin sa buhay. Sa ngayon, may work naman ako, kaya lang, irregular pa ang pasok namin kaya lalong lumiit ang aking suweldo at wala ring nangyayari.


Hindi ko na alam ang gagawin ko dahil sa akin pa rin umaasa ang mga magulang ko at ako na lang ang dalaga sa aming limang magkakapatid. Kailan darating ang lalaking magmamahal sa akin nang lubos at magiging asawa ko? January 16, 1987 ang birthday ko.


Umaasa,

Ms. Confused ng Santo Ninon, Galas, Quezon City


Dear Ms. Confused,


Para suwertehin ka sa buhay mo at upang tuluyang magbago ang takbo ng iyong kapalaran, lalo na’t ikaw ay tipikal na Capricorn at may birth date na 16 o 7 (1+6=7), dapat kang mag-asawa. Sa ganyang paraan, sa edad mong 33 ay kailangang-kailangan ang pag-aasawa o pakikipag-boyfriend upang gumanda ang kapalaran mo at magkaroon ka ng katuwang sa buhay.


Sapagkat kapag nanatili kang nag-iisa o dalaga habambuhay, at nagkataong 6 ang destiny number mo (1+16+1987=2004/20+04=24/ 2+4=6) ay ganu’n ang mangyayari, paikut-ikot lang ang buhay mo sa suwerte at tag-alat, sa lungkot at ligaya.


Sa aktuwal na senaryo ang mangyayari nito, minsan ay dadapo sa iyo ang suwerte o magandang kapalaran, pero bigla ring aalis. Minsang makakaramdam ka ng saya o ligaya, pero mas magiging madalas ang pag-iisa at kalungkutan.


Nangyayari ang ganu’n dahil nag-iisa ka. ‘Ika nga sa Bible, hindi nilikha ang tao upang maging mag-isa, kaya naman bukod kay Adan, gumawa pa ng Eba na makakasama ni Adan sa paraiso.


Isipin mo, ha, paraiso na ang pinaglagyan kay Adan, pero dahil nag-iisa siya, kahit sabihin pang paraiso ang halamanan ng Eden, hindi ito magiging paraiso o magdudulot ng sarap at kaligayahan kung ang isang lalaki ay walang makakasamang babae. Ganundin naman kahit ilagay mo sa paraiso ang isang babae, hindi ito magdudulot ng kaligayahan kung wala siyang makakasamang lalaki.


Kaya ang dapat sa iyo, Ms. Confused ay mag-boyfriend at mag-asawa. Sa ganyang paraan, mapapanatag ang kapalaran hanggang sa tuluyan ka na ring lumigaya habambuhay.


Kaya kung ang paghahanapbuhay ay araw-araw na “tinatrabaho”, sa eksaktong paliwanag ay masasabing kaya tayo nagtatrabaho ay para mabuhay, dapat din namang ang paghahanap ng mapapangasawa ay “tinatrabaho” rin upang tayo naman ay lumigaya. Ganu’n ‘yun!


Sa sandaling natapos mong basahin ang pag-aanalisang ito ng iyong kapalarn, Ms. Confused, mawawala na ang kaguluhan sa iyong isipan at sisimulan mo nang magtrabaho, hindi para mabuhay lamang kundi para makahanap ng boyfriend o mapapangasawa upang maging maligaya.


Ayon sa birth date mong 16 o 7, sa destiny number na 6 at sa zodiac sign na Capricorn, hanapin mo ang mga lalaking may zodiac sign na Virgo, Taurus, Cancer at kapwa mo Capricorn, lalo na ang Cancer, na may birth date na 1, 10, 19, 28, 8, 17, 26, 4, 13, 22 at 31. Sa sandaling natagpuan mo siya, maaaring kaibigan muna, kakuwentuhan, boyfriend o asawa, lahat ng kamalasan at negatibong pangyayari sa iyong buhay ay tuluyan nang mapaparam hanggang sa tuluyan ka na muling umunlad at habambuhay na magiging maligaya.


Kung susundin mo ang mga simpleng rekomendasyon sa itaas, tiyak ang magaganap, makakahanap ka ng lalaking inilaan sa iyo ng kapalaran, na nakatakdang maganap sa 2021 sa edad mong 34 pataas, ayon sa iyong Love Calendar.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page