top of page

31-anyos na single, dapat magpaseksi para magtagumpay ang nakatakdang pag-aasawa

  • BULGAR
  • Oct 22, 2022
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 22, 2022




KATANUNGAN


  1. Mula nang tumaba ako, palagi akong tinutukso ng mga kapatid at kaibigan ko. Sabi nila, magpapayat ako para ako’y maging ligawin at makapag-asawa. Sa edad ko kasing 31, wala pa rin akong nobyo at gusto ng mga kapatid ko na magka-boyfriend at makapag-asawa na ako tulad nila. Pero kung ako lang ang tatanungin, nag-e-enjoy pa ako sa pagiging dalaga, kaya kain lang ako nang kain at kung saan-saan namamasyal. Siguro, naiinggit sila sa akin dahil hindi na sila nakakagala kasi may pamilya na sila, kaya ‘yung pagiging chubby ko ang pinupuna nila.

  2. Pero alam mo, Maestro, may nakita ako na isang Marriage Line sa aking palad na maganda at mahaba, kaya natitiyak kong makakapag-asawa rin ako sa takdang panahon at magiging maligaya, kaya hindi ako kinakabahan kahit tumaba pa ako nang tumaba.

  3. Tama ba ako, Maestro, kapag ang pag-aasawa ay nakatakda, hindi ba, kahit ano pa ang hitsura mo, siguradong darating din si Mr. Right na itinakda ng tadhana sa tamang panahon?

KASAGUTAN


  1. Medyo mali ka ru’n, Anna Liza, sapagkat hindi porke mayroon kang Marriage Line at ito ay nagsasabing nakatakda kang makapag-asawa ay pababayaan mo na ang iyong pisikal na hitsura, lalo na ang iyong figure. Sapagkat sa Developmental Psychology, may developmental stages o baitang ng pagsulong at pag-unlad ang bawat indibidwal at sa bawat stage ay may tinatawag na developmental task upang maging maligaya.

  2. Halimbawa, kung ikaw ay musmos o paslit, wala kang dapat gawin bilang developmental task sa stages na ‘yun ng iyong buhay kundi ang maglaro at mag-aral sa elementarya. Itinakda sa ganu’ng stages ng iyong buhay ang magpakasaya sa pagiging bata.

  3. Sa sandaling ang nasabing bata ay naging teenager, itinakda siyang mag-aral sa high school, kaunting laro na lang, pero maraming mga crush at karanasan sa pagpapaligaw at ligawan. Kaya naman sa ganu’ng stage ng buhay, ang kabataan ay kailangang sulitin ang sarap ng buhay ng pagiging teenager o high school life upang masabing siya ay masaya at produktibong indibidwal. Kumbaga, nag-aaral kang mabuti, paminsan-minsang naglalaro pa rin ng jack stone at nakikipagharutan sa opposite sex bilang tanda ng pagkamulat sa mundo ng seksuwalidad at pag-ibig.

  4. Kapag kolehiyo o nakapagtapos ka na, ang developmental task ay ihanda ang iyong buhay at sarili sa pag-aasawa. Kailangang may stable job ka na disente sa lipunang iyong ginagalawan upang hindi ka maging kahiya-hiya sa iyong magiging biyenan. Kasabay nito, huwag mo ring pabayaan ang iyong pisikal at emosyonal na pagkatao. Gagawin mo ito bilang preparasyon sa pinakakumplikadong baitang ng iyong buhay— ang pag-aasawa. Kailangang sa panahong ‘yun ay unti-unti ka nang nagma-mature, lumalawak ang iyong isipan at pang-unawa sa mga nangyayari sa iyong kapaligiran. Kasabay ng nasabing pag-unlad, kung ikaw ay babae, kailangang malusog ang iyong pangangatawan at kung ikaw naman ay lalaki, dapat ay medyo balingkinitan ang iyong katawan, matikas at presentableng tingnan.

  5. Kung noong dalaga ka ay mataba ka o hindi mo isinaalang-alang ang iyong kalusugan, ibig sabihin, hindi mo pinaghandaan ang pag-aasawa, gayundin, hindi mo nagawang palawakin ang iyong isipan upang ikaw ay ganap na maging mature, huwag mong sisisihin ang kapalaran kapag iniwan ka ng iyong mapapangasawa.

  6. Sa mga lalaki naman, kung noong binata ka ay naging pasaway ka at hindi mo inalagaan ang iyong financial status, kumbaga, nasanay ka sa buhay na “easy go lucky” o hindi ka nakagradweyt sa mabarkadang buhay at nag-asawa ka, huwag mong sisihin ang kapalaran kapag hiniwalayan ka ng iyong misis.

  7. Kaya, Anna Liza, may panahon pa upang ibalik mo sa pagiging sexy at maganda ang bulas ng iyong pangangatawan. Una, hindi lang dahil para sa iyong sarili, bagkus, gagawin mo ito bilang paghahanda sa pag-aasawa at pagtatayo ng sariling pamilya. At dahil pinaghandaan mo ang nasabing baitang ng iyong developmental task, tiyak ang magaganap sa panahon ng pag-aasawa dahil habambuhay kang magiging maligaya.

DAPAT GAWIN


Kapag natupad ang kaisa-isang maganda at maayos na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, hindi mo masasabing, “Sabi kasi ni Maestro, nakatakda na sa akin ang maligayang pag-aasawa”, bagkus, masasabing bahagi ka ng takdang kapalaran upang makamit mo ang nakalaan sa iyo – ang maunlad at maligayang pag-aasawa, na nakatakdang mangyari sa taong 2025 at sa edad mong 34 pataas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page