3 illegal logger, nasakote
@Balitang Probinsiya | June 2, 2023
CAGAYAN—Tatlong illegal logger ang dinakip ng mga tauhan ng pulisya nang makumpiskahan ng mga "hot logs" kamakalawa sa Bgy. Malanao, Lal-lo sa lalawigang ito.
Ang mga suspek ay kinilala sa mga alyas na "Mino," "Rene" at "Ferdie," pawang nasa hustong gulang at mga residente sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat, nadaanan ng mga nagpapatrulyang tauhan ng pulisya ang mga suspek sa gilid ng kalsada na may mga dalang pinutol na punong-kahoy kaya hinanapan sila ng mga operatiba ng permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nang walang maipakitang dokumento, ay agad dinakip ng mga awtoridad ang mga suspek.
Nakapiit na ngayon ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa PD 705 o Revised Forestry Code of the Philippines.



Comments