24-anyos na tulak, huli sa akto... Vape na may droga, for sale sa mga bagets
- BULGAR

- 1 hour ago
- 1 min read
ni Mervin Reyes @News | September 5, 2026

Photo: MPD
Arestado ang isang 24-anyos na lalaki matapos mahulihan ng marijuana oil at kush na nagkakahalaga ng halos P500,000 sa buy-bust operation sa Tondo, Maynila, madaling-araw nitong Huwebes, Setyembre 3.
Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad mula sa isang informant kaugnay ng umano’y ilegal na gawain ng suspek.
Nakuha sa kanya ang 120 assorted rechargeable vape cartridges na naglalaman ng humigit-kumulang 1.2 litro ng marijuana oil, gayundin ang mga pakete ng kush na may kabuuang bigat na nasa 120 gramo.
“Mayroon tayong pinag-aralan ito ng ating intelligence,” pahayag ni Police Major Manuel Calleja, chief Admin at duty Officer of the Day ng Abad Santos Police Station.
“‘Yun nga, at nu’ng nag-positive na nga, akala namin na simpleng drugs lang na... ‘Yung vape na ang gamit ay oil ng marijuana. Hindi namin akalain na almost na… kulang-kulang half a million ang halaga,” dagdag niya.
Ayon sa pulisya, target umano ng suspek na ibenta ang mga ilegal na droga sa mga edad 16 hanggang 20 bilang “party drugs.”
“Puwede nating payuhan ‘yung mga magulang na pakibantayan ‘yung mga anak nila. Baka akala nila or ordinaryong vape lang pero marijuana na pala,” ani Calleja.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa custodial facility ng Abad Santos Police Station at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings.





Comments