34-anyos na gusto nang mag-asawa, mapapasagot ang nililigawan kung magsusuot ng pula sa susunod na d
- Maestro Honorio Ong
- Jun 21, 2020
- 2 min read
Dear Maestro,
Thirty-four years old na ako at binata pa rin. Marami na akong nakarelasyon pero wala namang nagtagal. Sa palagay mo, ano ang kulang o baka naman may dapat akong gawin o baguhin para magkaroon ng babaeng makakasama habambuhay? Gusto ko na ring magkaroon ng masaya at simpleng pamilya dahil may trabaho naman ako at okey ang suweldo sa BPO company.
May nililigawan ako na isinilang noong September 24, 1998. Sa palagay n’yo, siya na ang mapapangasawa at makakasama ko habambuhay, gayundin, compatible ba kami? September 18, 1986 ang birthday ko.
Umaasa,
Marco ng San Bartolome, Novaliches, Quezon City
Dear Marco,
Para makapag-asawa, kailangang magtiwala ka sa iyong sarili kung saan bagama’t likas na malakas ang loob ng mga taong may birth date na 18 o 9 (ang 18 ay 1+8=9) tulad mo, ngunit pagdating sa babae, palagi na silang nagdadalawang-isip kung sino ang dapat nilang mapangasawa at makasama habambuhay.
Nakadagdag pa ng takot at pag-aalala ay ang katotohanang sa edad mong 34, alam mong hindi ka na bumabata kaya sa edad mong ‘yan, hindi lang pag-aasawa ang dapat mong atupagin. Bagkus, dahil medyo “late” na ang edad na 34 para mag-asawa, ngayon pa lang ay isaayos mo na ang future ng itatayo mong pamilya sa aspetong pampinansiyal o pangmateryal na pangangailangan.
Upang mas madaling mag-materialize ang nasabing pag-aasawa at pag-iipon ng maraming pera para sa itatayong pamilya, ang unang dapat mong isagawa ay ang pagsusuot ng paborable mong kulay na pula.
Pagtapos nito, puntahan mo ang iyong nililigawan at makikita mo na sa buwan Setyembre hanggang Nobyembre, kapag nagkausap kayo, agad-agad na magkakaroon ng positibong resulta ang iyong lakad – magkakaunawaan kayo upang pagsapit ng last quarter ng 2020, maaaring sagutin ka na niya.
Ang zodiac sign mong Virgo at Libra naman ang sa nililigawan mo ay masasabing compatible kayong dalawa sa ikatlong teorya o batas ng compatibility kung saan ito ang tinatawag na “neighboring attraction”.
Naghahatakan ng lakas at kusang naghihigupan ng puwersa ang mga magkakapitbahay o ang magkalapit na zodiac sign at planeta. Dahil ang Virgo at Libra ay magkatabing zodiac sign, maaari na itong selyuhang compatible sa isa’t isa.
Habang sa Numerology, tulad ng naipaliwanag na, ang birth date 18 o 9 ay tugma rin sa birth date na 24 o 6 (2+4=6) ng nililigawan mo dahil ang inyong mga numero ay kapwa nasasakupan ng mga numerong nasa series of 3-6-9 at ito ang mga numerong divisible by 3.
Ibig sabihin, kung sa panahong ito ng tag-ulan hanggang sa huling quarter ng 2020 ay sisipagan mo ang panliligaw, pakikipag-usap at pakikipag-date sa kanya, hindi matatapos ang 2020 sa edad mong 34 pataas, sasagutin ka niya upang pagsapit ng susunod 2021, isang simple pero masaya at panghabambuhay na pag-aasawa ang itatala sa iyong kapalaran.




Comments