top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Norwood pasok sa Asian finals ng FIBA Dunk of the Decade

  • A. Servinio
  • Jun 20, 2020
  • 2 min read

Patuloy ang martsa ni Gabe Norwood sa FIBA Dunk of the Decade. Nakakuha ng sapat na boto ang pambato ng Gilas Pilipinas at Rain Or Shine sa website ng FIBA para walisin si Yi Jianlian ng Tsina, 77-23, upang pumasok sa Asia-Oceania Finals noong Huwebes ng umaga.

Sunod na haharapin ni Norwood ay si Arsalan Kazemi ng Iran na ginulat si Rui Hachimura ng Japan, 56-44. May hanggang umaga ng Hunyo 22 para bumoto ng isang beses araw-araw at lahat ng boboto ay may pagkakataon na manalo ng bola buhat sa 2019 FIBA World Cup sa Tsina.

Umarangkada agad si Norwood sa botohan at kahit bumawi ng bahagya at dumoble ang boto ni Yi sa sumunod na araw ay kulang pa rin ito. Unang tinalo ni Norwood si Mitch Creek ng Australia, 84-16, noong nakaraang linggo sa simula ng online patimpalak.

Huhusgahan ngayon ng publiko ang dunk ng 6’7” Kazemi laban sa Gresya sa 2016 Olympic Qualifying Tournament. Lahat ng nominadong dunk, kasama ang kay Norwood kontra Argentina sa 2014 FIBA World Cup sa Espanya, ay maaring mapanood sa FIBA website.

Tulad ng kanyang mga unang nakaharap, lumayo agad si Norwood sa umpisa subalit biglang nabuhay si Kazemi at naagaw pansamantala ang kalamangan sa unang araw, 52-48. Nagkaroon ng munting milagro at bumalik sa liderato si Norwood subalit kailangan pa rin ng mas marami boto at suporta ng fans para masigurado ang tagumpay.

Ang kampeon ng Asya at Oceania ay tutuloy kontra sa kampeon ng Amerika na pagtutuusan nina Rafael Mineiro ng Brazil at Juan Toscano Anderson ng Mexico. Tinapos ni Mineiro si Braian Angola ng Colombia, 57-43, habang linusutan ni Toscano Anderson si Ramon Clemente ng Puerto Rico, 55-45.

Nakakasa na rin ang iba pang continental finals sa kabilang bahagi ng bracket. Sina Giannis Antetokounmpo ng Gresya at Kristaps Porzingis ng Latvia ang maglalaban para sa kampeonato ng Europa habang sina Maurice Ndour ng Senegal at Carlos Morais ng Angola ang magtatapat para sa kampeonato ng Aprika.

Ang 32 nominadong dunk ay galing sa mga opisyal na palaro ng FIBA at FIBA 3X3 para sa mga pambansang koponan mula 2010 hanggang 2019. Hindi kasama ang mga Slam Dunk Contest at mga liga gaya ng Euroleague, PBA at NBA.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page