Pagsusuot ng facemask at pagsunod sa social distancing, mabisang panlaban pa rin sa COVID-19
- Bong Revilla
- Jun 19, 2020
- 3 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Matindi ang isinumiteng ulat ng team ng researchers and scientists mula sa University of the Philippines (UP) sa Inter-Agency Task Force (IATF) na posible umanong umabot sa 40,000 ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa darating na Hunyo 30.
Nakakatakot sa biglang tingin, ngunit sa mas malawak na pang-unawa ay mabuti ang paglalabas ng ganitong datos upang magkaroon ng basehan ang ating pamahalaan sa paglalabas ng tamang desisyon.
Mismong ang tagapagsalita ng Palasyo na si Atty. Harry Roque ay inaming hindi imposible ang datos na ito dahil maging sila ay inaasahan ang mabilis na pagtaas ng nahahawa base kasalukuyang trend ng COVID-19 data.
Ayon sa mga eksperto mula sa UP, hindi umano bumababa ang transmission rate sa kabila nang pagsisikap ng gobyerno na mapababa ang bilang ng mga nahahawa sa pandemyang ito.
Noong nakaraang Marso ay nagpahayag ang Department of Health (DOH) na malaki ang posibilidad na umabot sa 75,000 ang kaso ng COVID-19 sa ating bansa sa loob ng tatlong buwan o nito ngang buwan ng Hunyo kung hindi ito agad masasawata.
Ito ay base mismo sa pag-aaral at pagtantiya ng mga eksperto at ng epidemiologists na kinonsulta ng DOH at ng mismong World Health Organization (WHO) upang magkaroon ng sapat na kahandaan sa mga darating na sitwasyon.
Sa kabila ng inilabas na forecast ay maraming mga bayan at siyudad sa buong bansa ang naipapanalo ang pakikipaglaban sa pandemyang ito dahil may mga nananatiling zero o napakababa ang bilang ng may kaso ng COVID-19.
Nananatiling ang main battle ground ay ang Metro Manila at Cebu na kung hindi talaga tayo mag-iingat ay lubhang napakadelikado lalo pa at bahagya nang nagluluwag ang pamahalaan dahil naman sa usaping ekonomiya.
Kung mangyayaring aabot na ang kaso ng COVID-19 sa 40, 000 sa katapusan ng Hunyo, tiyak na mas dudoble o triple pa ito sa mga susunod na buwan at posibleng ikaw o ako ay mahawa o mamatay na sa mga susunod na panahon.
Mapalad ang ilang bayan sa mga lalawigan dahil hindi pa umaabot ang COVID-19 sa kanilang lugar, ngunit huwag namang mangyari na kumalat sa mga ito ang virus, dahil lalabas itong napakalaking problema dahil marami sa kanila ang hanggang ngayon ay wala o kulang ang pasilidad para harapin ang pandemyang ito.
Ngayon sa Metro Manila, araw-araw may inaaresto na lumalabag sa physical distancing, hindi nagsusuot ng facemask at kapag sinisita ng ating mga frontliners ay mga pilosopo at matatapang pa.
Dahil sa punuan na ang mga kulungan at baka doon pa sila mahawa ay marami sa mga nasasakote ay dinadala na lamang sa isang lugar para sermonan o turuan ng mga dapat gawin para labanan ang COVID-19.
May ilan sa ating mga kababayan na porke nakapag-aral, nag-oopisina o nakaaangat-angat sa buhay ay kinakayan-kayanan na ang ating mga enforcers na nagsusumikap maipatupad ang batas.
Kung hindi mababago ang ganitong sistema ay hindi malayo na sa darating Hunyo ay baka mahigit pa sa 40,000 ang kaso ng COVID-19 sa ating bansa dahil sa sobrang titigas ng ulo ng marami sa ating mga kababayan.
Sa dami ng mga naglalabasang paliwanag, tanging facemask, physical distancing at madalas na paghuhugas ng mga kamay lamang ang tanging depensa na magagawa natin laban sa hindi natin nakikitang kalaban.
Pero marami pa rin ang hindi sumusunod, higit na pinahahalagahan pa ang hanapbuhay kaysa sa buhay.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments