Mga taga-BFP, hindi natuto sa kontrobersiyal na “mañanita” ni Gen. Sinas, nag-party-party sa Boracay
- Korina Sanchez
- Jun 19, 2020
- 2 min read
Sa pagkakaalam natin, bawal pa rin ang mag-party-party o mass gathering sa buong bansa.
Hindi ba’t ‘yung mga nakatayo nga lang sa tabi ng swimming pool ay sinigawan na ng armadong pulis dahil hindi sila sumusunod sa social distancing kahit nasa loob ng kanilang lugar?
Pero noong kaarawan ni NCRPO Chief Maj. Gen. Debold Sinas, binigyan siya ng mañanita kung saan ipinagmalaki pa sa website ng institusyon ang dami ng tao sa kanilang bahay na ‘yung iba ay wala pang suot na facemask dahil kita naman nu’ng nag-groupie na sila.
Sa tindi ng batikos na inabot ng nasabing “party”, humingi ng paumanhin si Gen. Sinas pero kinasuhan pa rin siya at iba pang nakibahagi sa nasabing party. Ngayon kung uusad naman ang mga kasong ‘yan ay dapat pang makita. Sa kabila nito, hindi sinibak si Gen. Sinas mula sa kanyang puwesto at nanatili itong hepe ng NCRPO.
Kung iisipin, malaki ang idinulot na iskandalo ng “mañanita” sa Pambansang Pulisya kaya dapat ay natuto na ang lahat ng opisyal ng gobyerno sa nasabing insidente pero hindi ganu’n ang nangyari.
Kamakailan, isang “unofficial business” ang ginanap sa Isla ng Boracay ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon sa ulat, despedida umano ang nasabing okasyon o sa madaling salita, “party” na naman, hindi ba? At ang masaklap, isa sa kanila ang nagpositibo pala sa COVID-19. Tsk!
Kaya ngayon, ang inaasahang pagbubukas ng Boracay Island para sa mga taga-Visayas muna ay hindi matutuloy dahil kailangan munang mag-quarantine ng lahat ng nakasalamuha ng nagpositibo.
Ano ba ang iniisip ng mga ito? Dahil nasa gobyerno sila, hindi nila kailangang sundin ang mga alituntunin? At sa Boracay pa. Ang sarap naman ng trabaho ng mga ito!
Kaugnay nito, sinibak na umano ng DILG si Fire Senior Supt. Roderick Aguto, bilang regional director ng Bureau of Fire Protection Region 6.
Malamang ay mga tauhan niya ang nasa party o kung anuman ‘yun. Samantala, babawian din ng lisensiya ang hotel kung saan naganap ang okasyon dahil wala pa itong pahintulot na magbukas noong araw na ‘yun.
Talagang nagpapaalala ang COVID-19 na hindi pa ito lubusang nawawala sa anumang sulok ng bansa. Hangga’t may hindi maingat na makakapitan, magkakaroon ng positibong kaso.
Ngayon lang, ang malaking tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa East Ave. ay pansamantalang nagsara dahil nagpositibo ang 12 nitong empleyado.
Hindi talaga puwedeng maging pabaya. Kailangang magsuot ng face mask, maghugas o mag-sanitize ng mga kamay at kung hindi mahalaga ang pupuntahan, huwag na munang lumabas ng bahay.





Comments