Mga empleyadong 20 years nang kontraktwal, regular na sa wakas!
- Editoryal
- Jun 19, 2020
- 1 min read
Bukod sa mga halal na opisyal, marami pang empleyado sa gobyerno ang sumasalamin sa serbisyo-publiko.
Nariyan ang mga frontliners. Sila ang humaharap sa taumbayan na nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan. Sila ang unang sumasalo ng mga reklamo at hinaing. Sila ang unang nagbibigay ng solusyon at payo.
Mayroon ding mga empleyado ng gobyerno na madalas nating makita sa labas ng opisina — traffic aide, street sweeper at marami pang iba.
Subalit, hindi lahat ay nasusuklian ang sipag at katapatan sa serbisyo. Marami sa kanila ang halos tumanda na sa trabaho pero, mababa pa rin ang suweldo at halos walang benepisyo.
May hirit ang ilan na kung hindi ka malakas kay mayor, magreretiro kang kontraktuwal.
Kaya nang maibalita na 100 empleyado sa isang local government unit ang na-regular, napakaraming kontraktuwal ang napa-“sana all”.
Kabilang sa kanila ay mga street sweepers at engineering aide na sinasabing mahigit 20 taon nang kontraktwal.
‘Yung dalawang dekadang paglilingkod sa publiko, sa wakas masusuklian na kahit paano. Tiyak na napakalaking tulong nito sa kani-kanilang pamilya.
Sana ay magsilbi itong hamon sa iba pang LGUs. Ibigay natin ang nararapat para sa ating mga manggagawa. Unang-una, hindi naman galing sa sariling bulsa ang ipasusuweldo at ibibigay na benepisyo sa mga empleyadong may ‘K’ na ma-regular. Ito ay mula sa taumbayan na kanilang pinaglilingkuran.





Comments