Isinilang sa year of the Horse, ‘di katalinuhan pero mabilis mag-isip kaya nakakaiwas sa kabiguan
- Maestro Honorio Ong
- Jun 18, 2020
- 2 min read

Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign ngayong taon, tatalakayin naman natin ang ugali at magiging kapalaran ng mga isinilang sa Year of the Horse ngayong Year of the Metal Rat.
Ang Horse o Kabayo ang ika-pito sa 12 animal signs ng Chinese Astrology at kung ikaw ay isinilang noong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002 at 2014, ikaw ay mapabibilang sa mga indibidwal na pinaghaharian ng impluwensiya ng animal sign na Kabayo o Horse.
Ang Animal Sign na Horse sa Western Astrology ay siya ring zodiac sign na Gemini na may ruling planet na Mercury.
Ang mapalad na oras ng Kabayo ay simula sa alas-11:00 ng umaga hanggang alas-1:00 ng hapon, habang ang mapalad niyang lugar o direksiyon ay South o Timog.
Higit na aktibo, mapalad at mas matikas ang pangangatawan ng Kabayo na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init, kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-ulan o tag-lamig.
Gayunman, sa pangkalahatan, pinaniniwalaang umiigting nang todo at gumaganda ang kapalaran ng Kabayo sa panahong ang buhay nila ay tumutuntong sa middle age o humigit-kumulang sa edad 35 hanggang 40.
Bukod sa pagiging mabilis mag-isip at magpasya, kilala rin ang Horse sa pagiging masayahin, malaya, masigla, masigasig at mahirap tanggihan sa anumang kahilingan o mga bagay na iniaalok. Dagdag pa rito, likas silang makulit at mapagpilit sa mga bagay na naiibigan o nagugustuhan nila.
Kaya naman pinaniniwalaang sa pamamagitan ng pag-aalok at pag-aahente, ganundin ang online selling, tunay na lumiligaya at nagiging matagumpay ang buhay ng Kabayo lalo na sa panahong ito kung saan hindi gaanong nakalalabas ng bahay ng mga tao dahil sa pandemya.
Dahil sa likas sa pagkagusto sa pagiging malaya at kadalasan ay kilos nang kilos at kung anu-ano ang ginagawa, napagkakamalan ang Kabayo na masipag, pero hindi ganu’n ‘yun dahil tulad ng pagiging “Kabayo” niya, gusto lang niyang maglakad nang maglakad, umalis ng bahay at pumunta kung saan-saan. Ganundin ang pangunahing attitude niya sa buhay – hindi siya mapirmi sa upuan dahil gusto niya na laging maraming inaasikaso, kinakalikot at binubutingting na mga bagay. Dahil sa ganitong nakasanayan, kadalasan ay hindi namamalayan ng Kabayo na lubog na ang araw at dapat na siyang mamahinga.
Ang problema sa Kabayo, tulad ng kaibigan niyang Tandang, kahit nakahiga na siya at namamahinga, gumagana pa rin ang isipan niya, na nagiging dahilan upang hindi agad siya makatulog. Kaya naman karamihan sa mga Kabayo, sa ayaw at sa gusto niya, nao-obliga siyang magpuyat. Kung mananatiling ganito ang ugali ng Kabayo, lalo na ngayong may COVID-19 pandemic, mas mainam kung pananatilihin niya ang pag-inom ng vitamins, regular na pag-e-exercise at iba pang gawaing magpapanatili ng kanyang kalusugan upang maiwasang magkasakit.
Dahil mabilis mag-isip at gumagana ang intuition, nagiging dahilan ito upang ang Kabayo ay nakapagdedesiyon at nakakikilos agad na kadalasan, tama at sakto ang kanyang mga pagpapasya at pagkilos.
Maraming nagsasabing matalino ang Kabayo dahil bihira siyang magkamali sa pagpapasya, pero ang totoo, hindi siya katalinuhan. Ito ay dahil nagkataon lamang na bukod sa madulas at malikhain ang isipan, pinagkalooban din siya ng matinding “intuition” kaya nasasagap niya kung paano siya makaiiwas sa kabiguan, gayundin, kung paano niya mas madaling napipili ang tamang landas patungo sa mas maligaya, maunlad at matagumpay na pamumuhay.
Itutuloy




Comments