4 na miyembro ng akyat-condo, arestado
- Mylene Alfonso
- Jun 18, 2020
- 1 min read

Dakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Task Force on Illegal Drugs (NBI-TFID) ang apat na miyembro ng "Akyat-Condo Gang" sa isinagawang buy-bust operation, kamakailan sa isang minamantinang drug den sa isang hotel sa Blumentritt, Manila.
Kinilala ni NBI OIC Director Eric Distor, ang mga suspek na sina Eric Eulogio, Odessa de Guzman Patarina, Renato Abaya at April Ryle Gonzales.
Una nang naaresto ng NBI ang mga suspek noong 2016 matapos na looban ng milyong halaga ng alahas ang isang may-ari ng condominium.
Nabatid na sangkot din umano ang grupo sa robbery, theft at pagmamantina ng drug den. Nakatanggap umano ng impormasyon ang NBI sa patuloy na ilegal na gawain ni Eulogio kaya nagsagawa ng surveillance at nang makumpirma ay ikinasa ang buy-bust gamit ang isang NBI asset.
Nang matapos ang transaksiyon, pinilit pa umano ni Eulogio ang asset na bumatak ng shabu at nang isagawa ang pag-aresto ay inabutan ang iba pang mga suspek na matapos ang urine examination ay pawang nagpositibo sa methamphetamine chloride.





Comments