Paniningil ng buwis sa mga online sellers, isinisisi ng Duterte gov’t kay ex-P-Noy, ngek!
- Pabs Hernandez III
- Jun 17, 2020
- 2 min read
KAPAG BAD ANG ISYU, ISINISISI KAY EX-P-NOY PERO KAPAG GOOD ANG PROJECT NG DATING PANGULO, INAAKO NG DUTERTE GOV’T.—Ang dating gobyerno ni ex-Pres. Noynoy Aquino ang sinisisi ni Presidential Spokesman Harry Roque dahil sa panahon daw nito inaprub ang paniningil ng tax sa mga online sellers, na ipinatutupad lang ngayon ng Duterte gov’t..
Hay naku, kapag nagpatupad ng polisiya ang Duterte gov’t. at binatikos ito ng publiko, si ex-P-Noy ang sinisisi nila, pero kapag ang magandang proyekto ng dating administrasyon ay natapos sa gobyerno ni P-Duterte, inaako ng Duterte administration ang kredito at hindi man lang nito magawang pasalamatan ang dating pangulo, boom!
◘◘◘
NAGMISTULANG “BINGO” ANG HATOL KINA MARIA RESSA AT REYNALDO SANTOS, JR.—Nagmistulang bola sa bingo ang naging kapalaran nina Rappler CEO-Editor Maria Ressa at ex-writer Reynaldo Santos, Jr. dahil ang naging batayan ng korte sa paghatol na guilty sa kanila sa kasong cyber-libel ay letra, kasi ang letrang “T” sa “evation” sa atake ng Rappler sa complainant na si Fil-Chinese businessman Wilfredo Keng na isinangkot nila sa droga noong 2012 ay pinalitan nila nong 2014 ng letrang “S” dahil “evasion” daw ang tamang spelling o kahulugan ng kanilang artikulo.
Kung hindi na pinalitan ng Rappler ang mga letra sa kanilang artikulo, lusot na sana sila sa kaso kasi ang libel case ay may one year prescription period lang, pero dahil nga sa letrang “T” na pinalitan nila ng letrang “S”, ito ang naging batayan ng korte dahil lumalabas na inulit nila ang artikulong banat kay Keng kaya “swak” sa kaso sina Ressa at Santos, boom!
◘◘◘
BOLADAS LANG PALA ANG PRAMIS NA LAPTOPS NI DepEd SEC. BRIONES—Sabi ni P-Duterte, maglalaan daw ng pondo ang kanyang gobyerno ng pambili ng mga transistor radio na gagamitin ng mga guro at mag-aaral sa ipaiiral na blending learning.
Kung ganu’n, boladas lang pala ni Sec. Leonor Briones ng Department of Education ang sinabi niyang laptop ang ibibigay nila sa mga titser at estudyante kasi ang gusto pala ng pangulo ay transistor radio lang na tig-P300 ang halaga, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
HINDI PINAHULI NI GEN. SINAS ANG MGA NAGPROTESTA KASI MAUUNGKAT NA NAMAN ANG KANYANG BIRTHDAY PARTY, ESTE “MAÑANITA”—Nitong nakalipas na protesta ng mga raliyista kung saan ang demonstrasyon nila ay tinagurian nilang “Mañanita” protest laban sa Anti-Terror Bill ay kahit bawal ang mass gathering sa panahon ng pandemya ay hindi iniutos ni NCRPO Director Gen. Debold Sinas na dakpin ang mga nagprotesta.
Malamang, kaya walang iniutos na pag-aresto si Gen. Sinas ay alam niya na sa kanya na naman ito magbo-boomerang dahil siya man ay lumabag sa mass gathering sa kanyang birthday party na tinagurian niyang “mañanita”, ha-ha-ha!





Comments