top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Magkaisa tayo ang tanging pakiusap ng pangulo

  • Bong Revilla
  • Jun 17, 2020
  • 3 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Wala na umano tayong pera, ito ang ginawang pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ginawa niyang pagtatapos sa isinagawa nilang pagpupulong ng kanyang kabinete ilang minuto bago maghatinggabi noong Lunes.

Ngunit buong tatag niyang tiniyak na hindi titigil ang pamahalaan para maitawid ang ating mga kababayan sa paglaban sa COVID-19 basta’t sumunod lamang ang bawat isa at isaisantabi muna kung mayroong ayaw sa kanya bilang pangulo.

Nauna rito ay nagbigay ng ulat ang lahat ng kanyang kabinete at isa-isang tinalakay ang maghapon umano nilang pinagpulungan na humantong sa desisyong dapat manatili sa general community quarantine (GCQ) ang buong National Capital Region (NCR) at marami pang lugar sa bansa.

Maliban sa Cebu na nasa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa patuloy na hindi masawata ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 na kailangan nang respondehan at alalayan sa kanilang pangangailangan ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH).

Maging ang pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ay nagpahayag na kailangan na nilang dagdagan ang puwersa ng Philippine National Police (PNP) sa Cebu partikular sa Talisay na nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) upang seryosong maipatupad ang paghihigpit laban sa mga pasaway.

Sisikapin umano ng PNP ang mas agresibong pagpapatupad ng mga lockdown sa mga barangay ng nabanggit na lugar hanggang Hunyo 30, upang hindi na dumami pa ang kaso ng COVID-19 kung saan ang isa sa kanilang mayor ay nagpositibo na.

Inilahad ng DILG na umabot na sa 600 kaso ng mga paglabag at katiwalian sa gitna ng ECQ ang kanilang iniimbestigahan at 136 na sa mga ito ang nasampahan na ng kaukulang kaso ngunit nasa 250 pa sa mga ito ang nakatakda na ring kasuhan.

Pagdating sa edukasyon ay buo ang pasya ng Pangulo na hindi dapat magkaroon ng face to face sa pagbubukas ng klase sa darating na Agosto hangga’t wala pang bakuna, ngunit natalakay na hindi dapat ipagpaliban ang pag-aaral ng mga bata dahil lubha tayong mapag-iiwanan.

Nito lamang Hunyo 1 hanggang 15 ay umabot na sa 10,684,765 ang mga mag-aaral na nag-enroll on-line at inaasahang darami pa sa mga darating na araw at tulad ng dati ay napag-usapan ang cellphone, radyo at telebisyon na siyang gagamitin.

Ang mga learning module umano ay ihahatid sa mga barangay at sila ang maghahatid sa mga mag-aaral sakaling hindi abutin ng komunikasyon at umiral ang manu-manong sistema.

Ngunit tiniyak ng Pangulo na kahit wala na umano tayong pera ay gagawa siya ng paraan para maibili ng radyo ang mga mahihirap na mag-aaral upang kahit nasa gitna ng pandemya ay tuloy ang kanilang pag-aaral.

Sa kabila nang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay sinabi ng Pangulo na kumpara sa ibang bansa ay higit na napipigilan ng ating mga doktor ang pagkalat ng virus dahil marami nga naman ang natutunan na kung paano ito gamutin.

Bago magwakas ang pagharap ng Pangulo sa sambayanan ay muli nitong sinabi na ang COVID-19 ay nasa kapaligiran pa rin, hindi pa rin ito nawawala at wala pang bakuna na makapipigil dito.

Dapat lang umanong magkaisa at huwag magkanya-kanya sa pagsagupa sa COVID-19, ang mahalaga ay sumunod sa utos ng pamahalaan para hindi mapahamak.

Na-touched nga ako sa sinabi ng Pangulo na kapag dumating ang panahon na mayroon ng gamot para sa COVID-19 ay siya mismo ang mamamahagi ng personal sa lahat ng ating mga kababayan at sisiguruhing bawat isa ay magkakaroon, parehas walang lamangan.

Anak ng teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page