Mga stranded sa airport, imbes na tulungan ng gobyerno, sinisisi pa, pwe!
- Pabs Hernandez III
- Jun 16, 2020
- 2 min read
IMBES NA TULUNGAN ANG MGA STRANDED, SINISISI PA—Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, dagdag-problema lang sa gobyerno ang mamamayan na stranded sa ilalim ng flyover sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil nagtutungo ang mga ito sa airport kahit walang schedule na mga flights patungo sa kanilang mga probinsiya.
Hindi katanggap-tanggap sa publiko ang sinabing ito ni Sec. Año kasi hindi naman ang mga stranded na pasahero ang nagkansela ng flight, kundi ang mga airlines company dahil limitado lang ang mga eroplanong pinayagan ng gobyerno na bumiyahe.
Mantakin n’yo, imbes na tulungan ang mga kababayan nating stranded na makauwi na sa kanilang mga probinsiya, sinisisi pa sila ng gobyerno, pwe!
◘◘◘
KABADO ANG MGA RESIDENTE SA MGA PROBINSIYANG VIRUS-FREE SA “BALIK-PROBINSYA” PROGRAM—Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque ay tuloy na ulit ang implementasyon ng programang “Balik-Probinsya” ng pamahalaan.
Dahil d’yan, tiyak na kakaba-kaba na naman ang mga LGUs (local government units) sa mga probinsiyang virus-free kasi baka ang mga kababayan nilang manggagaling sa Metro Manila na mag-uuwian sa kanilang probinsiya ay may “baon” na COVID-19, nakupo!
◘◘◘
FACE MASK NA NGA LANG HINDI MAKAPAG-PROVIDE ANG DepEd, LAPTOP PA KAYA?—Viral sa social media ang graduation ng mga estudyante sa isang barangay sa Camarines Norte na sa picture taking ay iisang face mask lang ang palit-palitang pinasusuot sa mga mag-aaral.
Dahil d’yan, kaduda-duda tuloy kung matutupad ang ipinagyayabang ni DepEd Sec. Leonor Briones, na bibigyan nila ng laptop ang mga public school teachers at mga mag-aaral sa ipaiiral nilang blending learning.
Imagine, face mask nga lang para sa mga titse at estudyante, hindi na makapag-provide ang DepEd, ang mga mamahaling gadgets pa kaya? Boom!
◘◘◘
AKALA NG MGA DDS MABIBILIBID SI MARIA RESSA, HINDI PALA—Sobrang happy ang mga DDS nang ibaba ng korte ang hatol na guilty sina Rappler CEO Maria Ressa at former writer Reynaldo Santos, Jr. sa kasong cyber libel na isinampa ng negosyanteng si Wilfredo Keng.
Ang kasiyahan ng mga DDS ay panandalian lamang at napalitan ito ng kanilang paghihimutok kasi akala nila ay kulong na at mabibilibid sina Ressa at Santos, eh, hindi pala kasi bailable ang kaso, ha-ha-ha!





Comments