Sobrang affected pa rin… ANGEL, INIYAKAN ANG PAGPAPASARA SA ABS-CBN
- Reggee Bonoan
- Jun 15, 2020
- 2 min read
Reggee Bonoan / Sheet Matters

Kilalang matulungin si Angel Locsin sa lahat ng nangangailangan. Kaya naman sa tuwing gagawin niya ito ay laging ikinakabit ang pangalang Darna na ginampanan niya sa teleserye. Sabi nga, real-life Darna ang aktres.
Pero nang makausap namin siya sa virtual presscon gamit ang Zoom app para sa programa niyang Iba ‘Yan nitong Sabado ng hapon ay naging emosyonal siya dahil tinanong siya ni DZMM Teleradyo host Papa Ahwel Paz kung ano'ng tulong na magagawa sa kanya ng media/bloggers.
“Sir, ang laki po ng hihilingin ko sa inyo, na sana po, mapagbigyan n’yo po kami. Siguro, aware naman po kayo sa sitwasyon namin ngayon, ng aming network. So, kailangan po talaga namin ng push. Naiiyak tuloy ako, teka lang,” malumanay na sabi ng aktres.
Hanggang sa kinailangang patayin muna ni Gel ang video dahil tumulo na ang luha niya.
“Hindi ko ito ini-expect, ha! Teka lang, sandali, chaka ko. Mag-o-off lang ako ng video.”
At nang muli siyang humarap sa kamera, “Hinihiling ko po sana, kasi kailangan po namin 'yung tulong n'yo para ma-spread sa tao na nandito po kami, patuloy po kaming nagbibigay-serbisyo sa tao.
“Ang hirap lang ng sitwasyon kasi po talaga ngayon, but we're fighting. Kung ano 'yung naipangakong service sa mga Kapamilya namin, patuloy naming gagawin.
"So, kailangan po namin ng tulong n'yo, 'yun lang."
Samantala, tinanong namin si Angel kung paano siya napapayag mag-host ng Iba ‘Yan gayung ayaw na ayaw niya ang hosting job.
“Oo ayaw na ayaw ko talagang mag-host. Hindi ko rin alam kung paano ako naging artista kasi sa totoo lang, may pagka-introvert po talaga ako.
“Para sa mga nagsasalitang part, paartehin n'yo na lang ako, patalunin n’yo ako ng building, pahabol sa aso, mas magagawa ko pa ‘yan, pero ‘yung hosting, natatakot akong gawin.
“Pero nu’ng inilatag sa akin itong show, ito kasi ang kailangan (boses) natin sa panahon ngayon, ‘yung show na makakadagdag ng inspirasyon.
“Sa rami kasi ng nababasa kong problema, may mga nagsabing nakakahiyang maging Pilipino. Ang objective kasi ng show na ito, bukod sa makapagbigay ng ngiti at inspirasyon sa tao ay para maibalik ‘yung proud natin na, ‘Ah, Pinoy tayo.' Gusto kong maipakita ang magagandang traits ng mga Pinoy tulad ng pagbabayanihan. Grabe tayong tumulong sa kapwa natin.
“'Yung isusuot nating damit, isusubo nating pagkain, ibibigay pa natin sa kapwa natin. So, isa ‘yun sa magagandang i-remind natin sa lahat lalo na sa mga kabataan natin na ito ang isa sa mga ugali ng Pilipino na huwag nating ikahiya.
“Isa po ito sa nagpapayag sa akin, honestly, dapat pahinga ako ngayon, nag-aayos ako ng kasal, ha, ha, ha! Pero lahat naman tayo, naka-pause ngayon, 'di ba? So, kailangan nating mag-adapt sa new normal na pag-reach-out sa mga tao at pagbibigay-serbisyo,” paliwanag ng aktres.
Nabanggit ding matagal na pala ang offer na ito bago pa nangyari ang isyu sa ABS-CBN franchise at nu’ng sisimulan na ay saka naman inabutan ng COVID-19 pandemic. Pero inilaban pa rin ang show at heto, umere na kahapon ang Iba ‘Yan.








Comments